Ryza Cenon best Christmas at birthday gift ang kanyang partner at baby

Masaya na malungkot ang paglalarawan ni Ryza Cenon sa unang Pasko na kasama ang kanyang anak na si Night dahil hindi maganda ang pakiramdam niya.

"Masaya na malungkot ang Pasko ko. Masaya kasi kasama ko ang lola at ang kapatid ko. Nakasama ni Night ang mga pinsan niya.

"Malungkot dahil masama ang pakiramdam ko. Nag- chills at nilagnat ako dahil sumasakit yung breast ko," bungad ni Ryza.

Marami raw siyang natuklasan sa sarili mula nang maging nanay siya.

Kuwento ng aktres: "Nasanay ako sa puyat, pero iba kapag nagbabantay ako kay Night dahil mas mabilis akong mapagod.

"Grabe ang pagiging attentive ko ngayon. Yung tipong tulog ako, pero may marinig lang akong ingat, nagigising agad ako para i-check si Night.

"Dati kasi tulog mantika ako. Mahirap pero masaya siyang experience."

Ipinanganak ni Ryza ang kanyang baby boy na si Night noong October 31. 

Anak niya ito sa kanyang partner na si Miguel Antonio Cruz, isang cinematographer mula sa Bacolod City na naka-base ngayon sa Manila.

Plano raw nila ni Miguel na pabinyagan si Night sa January 2021.

BEST BIRTHDAY and christmas GIFT

Nagdiwang si Ryza ng 33rd birthday noong December 21, at sina Miguel at Night ang itinuturing niyang best birthday at Christmas gift na kanyang natanggap.

Masaya raw siya sa nabuo nilang pamilya ni Miguel na kung tawagin ni Ryza ay "Dada."

Lahad niya: "Si Dada at saka si Night ang talagang nagbigay-buhay sa lahat. 

"Ngayon, hindi na nagma-matter yung gaano ka ba tatagal sa earth or yung yaman mo.

"Mas nagma-matter na yung ini-enjoy ko ang bawat segundo ng buhay ko, kasama ang pamilya ko, nakakagawa ng kabutihan at nakapagpapasaya ng kapwa." 

KNOWING HER PURPOSE IN LIFE

Napagtanto raw ni Ryza na dapat ay bigyang halaga ang mga simple pero nagbibigay kabuluhan sa kanyang buhay.

Dagdag niya: "Kung mawala ka man, alam mo sa sarili na nagawa mo yung purpose sa earth—ang tumulong sa ibang nangangailangan at i-enjoy ang buhay na ibinigay ni Lord.

"Sa masaya man o sa mahirap na sitwasyon, na-handle mo nang tama at lahat yun worth it."

Ipinaalala rin ni Ryza sa mga manonood na ngayong gabi, December 30, ang huling episode ng Bella Bandida, ang action-drama series ng TV5 na pinagbibidahan niya.

[ArticleReco:{"articles":["155834","155840","155828","155836"], "widget":"Hot Stories"}]

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Post a Comment

0 Comments