Ngayong available na ang bakuna para sa COVID-19 at sa katunayan ay naumpisahan nang iturok sa mamamayan ng ilang bansa, kami sa pamahalaang-lokal ng Maynila ay nananawagan sa mga residente ng lungsod na mag-rehistro na para sa libreng bakunahan na layon naming ipatupad kapag narito na sa bansa ang mga nasabing bakuna.

Mula nang aming inilunsad ang registration may isang linggo na ang nakalilipas sa pamamagitan ng https://ift.tt/381GLQX at aming imbitahan ang mga residente na mag-rehistro, mahigit 55,000 na ang tumugon, habang isinusulat ang pitak na ito.

Sa pamamagitanng ordinansang ipinasa ng Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor at Presiding Officer Honey Lacuna at majority floorleader Joel Chua, nakapaglaan ang pamahalaang-lokal ng P200 milyon na aming itinaas ngayon sa P250 milyon, para pambili ng mga nasabing bakuna. Ito ay bukod sa bakunang ilalaan ng national government para sa Maynila at kami ay handang itaas ang alokasyon sa P1 bilyon kung mabibigyan ng pagkakataon.

Dahil pangkalahatan ang aming pangunahing iniisip, hinihingi ko ang pasensiya at pang-unawa ng mga residente sakaling makaranas sila ng mga lubak sa daan.

‘Yan ay dahil kinansela namin ang ilang infrastructure projects at sa halip ay inilipat namin ang budget sa COVID vaccination program ng lungsod na bahagi n gaming ‘working plan’ para sa susunod na anim na buwan. Kailangang isakripisyo ang ilang major infra projects upang makatugon sa pangungunahing pangangailangan ng ating mga mamamayan.

Nagpapasalamat kami kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay National Action Plan vs COVID-19 chief implementer and vaccine czar, Sec. Carlito Galvez Jr., para sa lahat ng kanilang suporta sa Maynila sa pakikibaka nito sa COVID-19.

Gayundin, aming pinasasalamatan at pinapupurihan ang Pangulong Duterte sa kanyang pagpapalabas ng noong December 1 ng Executive Order 121 na nagbibigay ng kapangyarihan sa Food and Drug Administration (FDA) para mag-isyu ng emergency use authorization (EUA) sa mga coronavirus disease 2019 (Covid-19) drugs at vaccines na magiging available sa ating bansa.

Matapos ang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa Pfizer at Astra Zeneca na nagsimula noong July 2019, pumasok tayo sa isang non-disclosure agreement at matagumpay na naka-secure ng paunang 400,000 doses ng bakuna na sapat para sa 200,000 residente.

Batay sa panuntunan ng World Health Organization at Inter-Agency Task Force (IATF), ating uunahin ang medical frontliners sa vaccine rollout, na susundan ng senior citizens bago ang pangkalahatang populasyon.

Kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan, kami sa pamahalaang-lungsod ay nakapagpulong na upang ayusin ang mga plano para sa proseso ng pag-bakuna habang sinusunod ang mga itinakdang health protocols.

Sa paghimok sa mga residente na magpa-rehistro para sa libreng bakuna, nais kong linawin na ito ay boluntaryo lamang. Lahat ng proseso at bakuna na gagamitin ay alinsunod sa itinatakda ng regulatory agencies ng national government.

Habang paparating pa lamang ang bakuna, tuloy lang ang pagbibigay ng libreng swab at serology testing sa mga itinakda naming lugar sa Maynila. Hinihimok namin ang mga maaring na-expose sa virus carrier, nakararanas ng anumang sintomas o nais lamang magkaroon ng kapanatagan ng loob na samantalahin ang COVID-19 tests na libreng makukuha sa Maynila.

Walang mawawala sa pagpapa-test dahil ito ay libre at para na din sa inyong kaligtasan, gayundin ng inyong mga mahal sa buhay.

Bukod diyan, nagbibigay din tayo ng mga certificate at ito ay maaring gamitin ng mga magbabalik sa trabaho at nire-require na magpakita ng katibayan na sila ay nagpa-testing at negatibo sa COVID-19.

Sa ilalim ng proseso, ang isang nagpa-test ay kailangang manatili sa quarantine facility habang hinihintay ang resulta na lumalabas naman sa loob ng 24 oras. Ang nasabing facility ay may airconditioning units, wifi at libreng pagkain.

Samantala, inuulit ko ang aking dati pang ipinanawagan at paulit-ulit na pakiusap sa aking mga kapwa Batang Maynila, na patuloy na maging alerto at sundin ang mga basic health protocols. Magpa-rehistro din para sa paparating na pagbabakuna.

Magmistula man akong sirang plaka, di ako magsasawang ipaalala sa lahat na narito pa rin ang COVID-19 at sa katunayan ay patuloy pa rin itong kumikitil ng mga buhay kaya mag-ingat tayong lahat.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

The post Panawagan sa mga batang Maynila: Magrehistro para sa libreng COVID vaccine first appeared on Abante Tonite.