Nalaman na rin ng publiko kung nationwide COVID-19 vaccination plan ng gobyerno. Kung hindi pa nagsagawa ang Senate Committee of the Whole ng pagdinig hindi natin malalaman kung ano ba estado ng plano para dito.
Para kasing naging sikreto ang proseso. Walang nakaalam kung ano ba ang plano dahil hindi naman tinatalakay ng DOH o IATF ang tungkol dito.
At lumabas nga sa pagdinig na nasa procurement stage na tayo at may nakatakdang nang i-deliver na vaccine this week at sa mga susunod pang mga buwan.
Pero tuloy pa rin ang negosasyon ng gobyerno sa iba pang vaccine makers para matiyak na magiging sapat ang suplay nito lalo na’t target ng pamahalaan na bakunahan ang 60 hanggang 70 milyong Pinoy laban sa coronavirus disease.
Hindi na nakakapagtaka na nauna na ang mayayamang bansa sa pagbili ng vaccine, as we speak, nag-umpisa na nga sila sa kanilang vaccination program.
Pero dito sa ating sa Southeast Asia, mukhang nangungulelat tayo dahil ang Vietnam ay nagsisimula nang magbakuna at prayoridad nila ang mga essential worker.
Buti pa nga ang mga POGO worker nauna nang nabakunahan at itong sarili nating mga manggagawa ay naghihintay pa rin kung kelan sila babakunahan. Hindi pa nga tiyak kung priority sila sa vaccinational plan.
Take note, isang daang libong POGO workers ang nauna nang nabakunahan at ito raw ay “through official government channels”.
Pikon na pikon nga si Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate labor committee, ng malamang nauna na POGO workers gayong hindi naman sila maituturing na essential workers.
Sabi nga ng senador, pati ba naman sa COVID-19 vaccine una ang mga dayuhan habang ang mga Pinoy workers antay-antay lang?
Sa kasalukuyan, 39 milyon ang labor force ng bansa at ni isa wala pang nababakunahan. Buti pa sa Indonesia na prayoridad ang mga mangggawa. Nakakainggit di ba?
Sana may assurance dito sa atin na uunahin sa listahan ang mga essential worker. Unahin din ang mga manggagawa sa service industry, mga construction worker, mga market attendant, delivery rides, security guards at mga mangagagawa sa food retail at distribution networks.
Isaman na diyan ang mga minimum wage earner na nagtatrabaho sa mga high-risk na lugar tulad ng mga construction sites, factories, groceries at public workers. Mahalagang mauna sila sa bakuna dahil nagtatrabaho sila para mabuhay ang kanilang mga pamilya.
Sila kasi kasi dahilan kung bakit patuloy na nabubuhay ang ekonomiya kaya nararapat ilang unahin sila sa vaccination program.
Ang problema nga lang, batay sa mga lumabas na survey, mayorya ng mga Pinoy ay ayaw magpaturok ng COVID-19 vaccine dahil sa pangambang baka hindi ito ligtas sa kanilang kalusugan.
Kaya dapat magsagawa ng nationwide information campaign ang pamahalaan at kumbinsihin silang ligtas ang bakunang gagamitin laban sa coronavirus disease na ito.
The post Unahin minimum wage earner sa bakuna first appeared on Abante Tonite.
0 Comments