1 pulis sibak, 40 lusot sa PNP, PDEA ratratan

Inirekomendang sibakin sa serbisyo ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang isang pulis at ibaba naman ng isang ranggo ang 10 iba pa kaugnay sa naganap na misencounter ng kapulisan at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa harap ng isang fastfood chain sa Quezon City noong Pebrero 24, 2021.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, nirekomenda niyang ipatanggal sa serbisyo si Police Corporal Alvin Borja habang sampung iba pa ang inirekomendang babaan ng isang ranggo.

Pawang nakatalaga ang mga ito sa District Special Operation Unit ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon kay Triambulo, isinumite na ng IAS sa Discipline Law and Order Division ng Directorate for Personnel and Records Management ang kanilang rekomendasyon noong Pebrero 4.

Ayon pa kay Triambulo, sa 41 pulis na sinampahan ng kaso ng PDEA, 11 lamang sa mga ito ang nakitaan nila ng paglabag, na kinabibilangan ni Borja.

Lumalabas naman na lusot sa pagkasibak ang 40 mula sa 41 pulis na inimbestigahan sa `misencounter’ dahil binabaan lang ng ranggo ang 10.

“Ang ini-recommend namin ng dismissal ay si CPL. Alvin Borja kasi sya `yong kitang-kita na namaril na nagresulta sa pagkamatay nong PDEA agent ng kanilang informer,” pahayag ni Triambulo sa isang panayam kahapon.

Samantala, ang sampung pinatawan naman ng one rank demotion ay kinasuhan din ng direct assault and oppression.

Napapatuloy naman ang imbestigasyon ng PNP-IAS kay PSSg Christopher Alvaraz na siyang handler ng pinalabas na preso para gamitin sa buy-bust operation.

Inabsuwelto naman ng PNP-IAS ang 29 na iba pa dahil napatunayan na hindi sila nagpabaya sa kanilang trabaho.

Matatandaang Pebrero 24, 2021 nang magkaroon ng `misencounter’ sa pagitan ng PDEA at PNP sa harapan ng isang fastfood chain sa Commonwealth Avenue, Quezon City kung saan apat ang nasawi.

Parehong depensa ng dalawang ahensya na nagsasagawa sila ng buy-bust operation ng mga oras na naganap ang palitan ng putok.(Edwin Balasa)

The post 1 pulis sibak, 40 lusot sa PNP, PDEA ratratan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments