Pulis namaril sa gitgitan, 2 navy sugatan

Sugatan ang dalawang miyembro ng Philippine Navy (PN) matapos na barilin ng isang pulis ang gulong ng sasakyan ng mga ito nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo sa kalsada, Linggo ng gabi, sa Puerto Princesa City, Palawan.

Kusang-loob na sumuko sa pulisya ang suspek na nakilalang si Police Corporal John Vincent Ugalde, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion.

Samantala, kinilala ang dalawang biktima na sina PO1 1st Class Jonathan Lapo at Apprentice Seaman Christian Bustillo, pawang miyembro ng PN.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame kahapon, naganap ang insidente alas-8:00 ng gabi, sa kahabaan ng national highway sakop ng Brgy. Bacungan, Puerto Princesa City, Palawan.

Nabatid na lulan ng kanyang Toyota Wigo si Ugalde habang sakay naman ng multicab na pag-aari ng Navy ang dalawang biktima at nagkaroon umano ng gitgitan sa kalsada ang dalawang sasakyan matapos na mag-overtake ang multicab sa sasakyan ng pulis.

Matapos ang gitgitan ay isang putok ang narinig kung saan tumama ang bala sa gulong ng multicab dahilan upang mawala ito sa giya at tuluyang tumaob sa kalsada sanhi ng pagkakasugat ng mga sakay nito.

Si Ugalde ay sumuko sa Police Station 2 ng Puerto Princesa Police Office kung saan siya ngayon nakakulong. (Edwin Balasa)

The post Pulis namaril sa gitgitan, 2 navy sugatan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments