3 POGO hinubaran sa Senado: Sangkot sa kidnapping

Tatlong Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) ang nadiskubreng nasa likod umano ng ilang kaso ng kidnapping sa bansa ngayong taon.

Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, ibinunyag ni Col. Rodolfo Castil Jr., hepe ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police, na ang tatlong POGO firm ang nasa likod ng pitong kaso ng kidnapping na naitala mula Enero hanggang Setyembre.

Isa rito ang Cavite-based Xionwei Technology Co. Ltd. Inc. na sangkot umano sa limang kaso ng pagdukot.

Sabi ni Castil, dawit din ang Cavite-based LY Ground Admin Pogo Company kung saan na-rescue ng mga pulis ang limang katao sa isang operasyon at ang nakabase sa Pampanga na Lucky South 99 Outsourcing Inc. kung saan isang indbidwal ang nailigtas.

Ayon kay Castil, ang pagdukot sa mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO ay naganap dahil sa kakulangan ng manpower mula sa China sanhi ng paghihigpit sa kanilang border mula nang kumalat ang COVID-19 pandemic.

Sinusulot umano ng mga POGO ang mga manggawa ng ibang gaming operator sa pamamagitan ng pag-alok ng mas mataas na suweldo.

Ani Castil, kapag narinig umano ng employer ang plano ng mga empleyado na lilipat sa iba, ikukulong ang mga ito at hihingi ng pambayad mula sa kanilang pamilya sa China.

Sa tatlong kumpanya, sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na ang Xionwei at Lucky South ang may lisensiya para mag-operate sa bansa.

Sa Lucky South nailigtas ng mga pulis ang 43 Chinese na nakakulong matapos ang isang operasyon noong Miyerkoles. (Dindo Matining)

The post 3 POGO hinubaran sa Senado: Sangkot sa kidnapping first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments