P276 arawang budget ng purdoy na mag-anak

Doble ng P570 na daily minimum wage ang kailangan ng padre de pamilya sa Metro Manila para mabuhay ang mag-anak nitong binubuo ng lima, ayon ito sa IBON Foundation.

Para mabuhay nang disente, P1,117 kada araw ang kailangang kitain ng bread winner o katumbas ng P26,321 sa isang buwan.

Para sa Philippine Statistics Authority, maituturing na mahirap ang isang tao kung ang kita ng kanyang pamilya ay mas mababa sa P12,030 sa isang buwan at magugutom sila kung ang kita nila ay mas mababa sa P8,379 sa isang buwan o ang katumbas ng P276 kada araw.

Sabi ng PSA, ang budget na P276 kada araw sa pagkain ay sapat para tugunan ang kinakailangang sustansya ng pamilya ng lima na kabilang sa pinakamahihirap sa bansa.

Ayon sa IBON Foundation, P12,712 ang kailangan ng pamilya ng lima sa National Capital Region kada buwan para lamang sa kanilang pagkain.

Kailangan pa itong dagdagan ng P4,317 para sa upa, P2,518 para sa kuryente at gas, P1,376 para sa pamasahe, at P460 para sa komunikasyon tulad ng internet at load sa cellphone. (Eileen Mencias)

The post P276 arawang budget ng purdoy na mag-anak first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments