Jeep, bahay sinagasa ng trak

Sugatan ang driver at dalawang pahinante ng isang 16 wheeler truck nang salpukin nito ang isang dyip bago suyurin ang isang bahay sa Batasan-San Mateo Road, Batasan Hills, Quezon City, Lunes ng umaga.

Nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan ang driver ng truck na si Jonathan Puyom, at pahinante niyang sina Robert Teves at Edison Orkana.

Sa imbestigasyon ni PSSGT. Lucio Caspeg, ng Quezon City Traffic Sector 5, pasado alas-onse ng umaga, nakitang pababa ng San Mateo Road ang truck na may plakang APA 5943 na minamaneho ni Puyon nang mawalan ito ng preno.

Dahil dito, tinangka pa ng driver na iiwas ang minamanehong truck pero hindi na kinaya kaya sumampa na lang ito sa kabilang lane kaya sumalpok sa isang jeep bago pumasok sa bahay sa nasabing lugar.

Wasak na wasak ang harapang bahagi ng bahaypero masuwerteng walang nadaleng tao sa loob.

Nahagip din ng truck ang 7-anyos na bata sa bisinidad pero nasa ligtas na itong kalagayan.

Nagdulot naman ng grabeng pagsisikip sa daloy ng trapiko ang insidente. (Dolly Cabreza)

The post Jeep, bahay sinagasa ng trak first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments