Sanggol tinapon, pinapak ng baboy

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang bagong silang na sanggol na natagpuang patay at hinihinalang kinain ng dalawang baboy matapos na itapon sa loob ng isang piggery sa Sitio Bantud, Barangay Puis, New Washington, Aklan noong Pasko.

Sa naantalang ulat ng Aklan Police nitong Huwebes, nangyari ang insidente noong Disyembre 25 ng gabi sa kural ng baboy na pag-aari ng matandang lalaki na kinilalang si Francisco Natabio na naninirahan sa nasabing lugar.

Wala ng mga kamay ang bagong silang na sanggol na lalaki ang kasarian at tadtad ng mga kagat ng baboy nang matagpuan umaga ng Disyembre 26.

Ayon kay Natabio, magpapakain sana siya ng dalawang alagang baboy ng madiskubre ang insidente.

Nakakabit pa ang umbilical cord ng sanggol nang matagpuan. Wala itong saplot at putol na ang dalawang kamay na pinaniniwalaang pinapak ng mga baboy.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, may narinig na iyak ng sanggol ang matanda sa labas ng kanilang tahanan noong gabi ng Pasko kung saan malakas ang ulan at madilim ang paligid.

Samantalang nakabukas rin ang tarangkahan ng matanda patungo sa kural ng baboy kung saan naghihinala ang mga awtoridad na inihagis ang munting anghel sa kulungan ng baboy ng walang pusong salarin.

Hiniling naman ng pulisya na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng sanggol upang mabatid ang sanhi ng kamatayan nito.

Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang kasong ito upang matukoy at maaresto ang nagtapon sa sanggol sa kural ng baboy. (Edwin Balasa/Catherine Reyes)

The post Sanggol tinapon, pinapak ng baboy first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments