Vice Ganda, solid kapamilya pa rin

Nananatili bilang Kapamilya si Unkabogable Star Vice Ganda nang pumirma ito ng ekslusibong kontrata sa ABS-CBN sa The Unkabogable Day event noong Miyerkules (Pebrero 15).

Pagkatapos ng pirmahan, nagpasalamat rin si Vice para sa tagumpay ng kanyang pelikulang “Partners In Crime.” Isa ito sa mga top-grossing film sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF).

Inalala niya rin ang kanyang ilang taong pagtatrabaho sa industriya. “Ang daming mabibigat. Ang daming chaka. Ang daming madilim. Pero mas marami ‘yung winnings,” sabi niya.

Nagbigay-pugay rin ang ilang katrabaho, kaibigan, at kamag-anak ng Unkabogable Star. Isa na rito ang ABS-CBN COO of Broadcast na si Cory Vidanes, na maluha-luhang binasa ang kanyang sulat para kay Vice.

“Thank you for making sure that the team stays united, always there for one another in good times and bad, focused and driven by our mission na magpasaya at magbigay inspirasyon sa Madlang Pipol,” pahayag nito.

Nagpasalamat din si Vice sa mga boss ng ABS-CBN. “Maraming maraming salamat po sa patuloy na pagtitiwala, pagbibigay ng trabaho, oportunidad, pagkakataon… I am so grateful,” sabi niya.

Nagpahayag din siya ng kanyang katapatan para sa ABS-CBN. “Itong ABS-CBN safe na safe ako rito, alagang-alaga ako rito. Our relationship was never perfect… but at the end of the day, ano man ang nararamdaman namin, mahal namin ‘yan. Mas mahalaga ‘yung pagmamahal namin sa isa’t isa. Ganoon ‘yung totong pamilya,” pagbabahagi ni Vice.

Kabilang sa mga executive ng ABS-CBN na dumalo sa contract signing ay sina chairman Mark Lopez, ABS-CBN COO of Broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN Group CFO Rick Tan, Star Magic and Entertainment Production head Laurenti Dyogi, at ABS-CBN head of Non-scripted Format na si Louie Andrada.

Sumikat si Vice Ganda sa noontime variety show na “It’s Showtime” at nakagawa ng maraming box office hits. Nakatanggap na rin si Vice ng iba’t ibang parangal bilang Kapamilya star. Noong 2021, pinangalanan siya bilang Best Entertainment Program Host sa Asian Academy Creative Awards at Most Trusted Entertainment/Variety Presenter sa Reader’s Digest Trusted Brands Awards.

Kamakailan lang, nanalo si Vice bilang Most Outstanding Twitter Influencer, Most Outstanding Social Media Personality, Most Influential Multimedia Filipino Celebrity, at Most Outstanding Entertainment Show Host sa 5th Gawad Lasallianeta. Nanalo rin si Vice bilang Best Variety Show Host sa 2023 Platinum Stallion Media Awards ng Trinity University of Asia.

The post Vice Ganda, solid kapamilya pa rin first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments