Kate Santiago nagbida sa Adamson Lady Falcons

Teams W L

La Salle 9 0

Adamson 7 2

UST 6 3

NU 6 3

FEU 4 5

Ateneo 3 6

UP 1 8

UE 0 9

Mga laro Linggo:

(Araneta Coliseum)

Second Round Eliminations

12:00nn — UE vs FEU (women’s)

2:00pm — DLSU vs UST (women’s)

MATINDING pagbawi ang ipinamalas ni Kate Nhorr Santiago pagdating sa atake nang pangunahan ang opensiba ng Adamson University (AdU) Lady Falcons kontra Ateneo Blue Eagles, 25-23, 2-17, 26-24, upang patatagin ang kapit sa solo second place, Sabado, sa 85th University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament sa Araneta Coliseum.

Humambalos ang 5-foot-6 outside spiker ng 18 puntos para sa kanyang career-high mula sa 15 atake at tatlong aces, kasama ang siyam na digs upang makuha ang kauna-unahang first round sweep sa Ateneo sapol noong 71st season.

“Ang ginawa namin is maging consistent sa mga plays, kaya kung ano man iyung mga maling nagawa namin, nakakapag-adjust naman kami kaagad,” pahayag ng 21-anyos mula Zamboanga City para tulungan ang koponan na makuha ang 7-2 kartada.

“Ginagawa lang namin iyung natural na ginagalaw namin lalo na when it comes sa training namin, mga pressure, mental toughness kaya nanalo kami,” dagdag ni Santiago na nakabawi sa siyam na puntos lamang na kontribusyon sa panalo kontra University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses noong nakaraang linggo.

Rumehistro rin ang ka-tandem nito sa iskoran na si rookie Trisha Gayle Tubu na may 17 points mula sa 15 atake at dalawang blocks, habang umagapay sina middle blocker Lorence Toring sa siyam, Lucille Almonte sa walong puntos kasama ang 16 excellent receptions at walong digs, at pitong puntos galing kay Aprylle Tagsip.

Nahirapan pang isara ng Lady Falcons ang laro sa third set nang habulin ng Blue Eagles ang 16-22 na kalamangan kasunod ng tatlong aces ni Bea Lomocso at ang matagumpay na challenge ni coach Oliver Almadro upang dumikit sa 24-24.

Gayunman, sinelyuhan na nina Tubu at Almonte ang laro sa magkasunod na atake upang walisin ang laro. (Gerard Arce)

The post Kate Santiago nagbida sa Adamson Lady Falcons first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments