Entry ban ng OFW sa Kuwait kawalan ba?

Naging mainit na usapin nitong nakalipas na mga araw ang inianunsiyong ban sa pagpasok ng mga Overseas Filipino Worker sa bansang Kuwait.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ito ang ganting aksiyon ng Kuwait sa gobyerno ng Pilipinas matapos magpatupad ng deployment ban noong Pebrero dahil sa mga hindi naging magandang karanasan ng mga OFW kabilang na dito ang karumal-dumal na pagkamatay ni Jullebee Ranara noong January 2023.

Tutol ang Kuwaiti government sa plano ng Pilipinas na magtatag ng shelter para sa runaway na mga Pilipina mula sa mga malulupit na amo at ayaw din ng Kuwait na tawagan o kausapin ng mga opisyal ng Philippine Embassy ang mga employer na naisusumbong na malupit at nananakit ng kanilang mangagawang Pinoy dahil labag umano ito sa kanilang labor laws.

Hindi ko maubos-maisip na ganito pala kataba ang utak ng ilang opisyal sa nabanggit na bansa na tila ba sila lang ang dapat tama at walang dapat na kumontra sa kanila..

Nakakagigil isipin dahil sila na nga ang may atraso sa mga Pilipino, may bahid ng dugo ang kamay ng ilang berdugong Kuwaiti employer pero sila pa ang nagmamalaki na huwag payagang makapasok sa kanilang bansa ang mga OFW.

Hindi pa malinis ang kanilang mga kamay sa pagkamatay ni Ranara at iba pang mga Pinoy na pinatay sa kanilang bansa kaya dapat na sa halip magmatigas ay magpakumbaba ang mga ito .

Maraming bansang maaring puntahan ang mga OFW para magtrabaho kaysa manatili at tiisin ang kalupitan ng ilang Kuwaiti employer na tila ba nabili pati kaluluwa ng kanilang mga ttabahador.

Kasumpa-sumpa ang ugali ng ilang employer, hindi ko nilalahat pero kapag nababasa ko ang kuwento ng mga OFW na namatay dahil sa kalupitan ng mga ito ay hinangad ko rin na sapitin nila ng mas higit pa ang ginawa nila sa kanilang mga biktima.

Dapat maging matigas ang gobyerno at huwag lumambot sa entry ban na ito ng Kuwait. Isipin ang kaligtasan ang proteksiyon ng mga manggagawang Pinoy sa halip na isipin ang dolyar na ipapasok ng mga ito sa bansa.

Hindi lang Kuwait ang bansang maaring puntahan ng mga Pilipino sa Middle East, nandiyan ang Qatar, Dubai, Saudi Arabia at iba pa na maaring maging alternatibo kaysa ipagsisikan ang mga OFW kahit alam ng gobyerno na nakaamba ang panganib sa mga ito mula sa mga berdugong employer.

Hindi puwedeng sabihin na isolated case ang kaso ni Ranara at iba pang pinatay na OFW sa Kuwait dahil may pattern ang kalupitan ng ilang employers na anak yata ni Satanas.

Dapat ipakita ng gobyerno ang paninindigan sa deployment ban sa Kuwait at huwag amuin ang mga ito dahil lalong lalaki ang ulo ng mga Kuwaiti kapag susuyuin ng gobyerno.

Unahin ang kaligtasan at seguridad ng mga OFW sa Kuwait, kung ayaw magpapasok eh di huwag. Hindi kawalan yan sa mga Pilipino dahil palaging ipinagmamalaki ng gobyerno na kahit saang panig ng mundo ay maraming nag-aalok ng trabaho para sa mga Pilipino.#

The post Entry ban ng OFW sa Kuwait kawalan ba? first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments