Ang gamot ay isang mabisang paraan para malunas at gumaling ang isang sakit.
Iba’t ibang klase para sa iba’t ibang layunin at dahilan. Mayroong apat na kategorya ang gamot.
Ang general sales o nabibili maski saan na kahit hindi sa botika ay makukuha ang mga ito. Ang pharmacy medicine kung saan sa botika lamang nabibili, kasama na dito ang over the counter drugs. Ang prescription only o kinakailangan ng reseta ng doktor para makabili. At, ang controlled o regulated drugs kung saan may hiwalay at sariling reseta na tinatawag na yellow pad o prescription na may tatlong kopya at kinakailangan mayroong S2 license ang doktor na magbibigay nito. Ito ang naitanong ng isang reader natin.
“Ilang araw na akong may sakit, at dahil dito, binigyan ako ng aking nanay ng gamot at antibayotiko daw ito. Mas mabilis gagaling dahil ito daw ang binigay ng doktor ng kanilang kapitbahay. Pareho naman daw ang sakit kaya pareho din ang gamot. Hindi ako sigurado kung nakausap ng nanay ko ang aming doktor dahil gamot lang ang ibinigay at wala itong reseta. Ok lang ba na inumin ko ito. Nag google ako at nabasa ko na malakas itong gamot kaya minsanan lang ang inom at naibibigay din sa mga may Covid19, nagpositibo din ako. Sana masagot ang tanong ko. Salamat!”
Ang antibayotiko ay isang gamot para sa mag mikrobiyo at bakterya. Madalas nangangailangan ng reseta para mabili. Kaya lang kung minsan, lalo na sa mga maliliit na botika, hindi na naghahanap nito. Napakadaming klasipikasyon ang antibiotics, dapat masiguro muna kung anong klase ang kailangan at kung kinakailangan nga ba ito.
Kung hindi, baka maaaring magkaroon ng resistance sa panahon na talagang mangailangan nito. Ibig sabihin, hindi tatalab ang gamot kahit gaano pa dapat kabisa nito. Hindi rin ito para sa virus, kaya walang silbi kung nagpositibo sa Covid19. Mas mainam pa na antiviral ang gamot dahil virus ang Covid19. Ngunit bago pa uminom ng gamot, sana ay kumunsulta ng maayos sa inyong doktor at hindi sa kapitbahay.
Maliban na lang kung doktor ang inyong kapitbahay. Maaaring halos pareho ang sintomas na nararamdaman, lagnat, ubo, at sipon, ngunit iba’t iba ang maaaring pinanggalingan. Kung may Covid19, antiviral ang mas kailangan, mag symptomatic medication, (ibig sabihin gamot para sa lagnat, ubo, at sipon), at mga supplements, tulad ng mga bitamina at mineral. Hangga’t hindi napapatunayan sa pamamagitan ng mga tests sa laboratryo, ay hindi bacteria ang problema kung kaya’t hindi kinakailangan ng antibiotic.
Hindi lang sana tayo maging maobserba sa mga nararamdaman, kundi kung mayroong nararamdaman, ipatingin natin ito sa ating doktor nang hindi masayang ang kilos, pagod, oras, at pera, at higit sa lahat, hindi makompromiso ang ating katawan sa pagiging resistant sa gamot dahil ginamit sa maling dahilan.
Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Remain vigilant!
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kapitbahay tuwing huwebes 1pm at Health Watch tuwing ikatlong linggo ng buwan 9am sa DZEC1062) at Doc Rylan Facebook Live tuwing linggo ng 11am. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.
The post Huwag basta uminom ng gamot first appeared on Abante Tonite.
0 Comments