Bulkang Taal nagpaparamdam, Mayon nag-aalboroto pa

Nakitaan ng bahagyang aktibidad ang Bulkang Taal sa Batangas matapos na maramdaman ang mga pagyanig nito.

Base sa 24 oras na monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala ng walong volcanic earthquake ang Bulkang Taal kabilang ang dalawang volcanic tremor na nasa dalawa hanggang tatlong minuto ang haba.

Nagbubuga rin umano ng sulfur dioxide ang Bulkang Taal at may “upwelling” ng mainit na volcanic fluids sa main crater lake nito, ayon sa Phivolcs.

Subalit nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal.

Samantala, nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon sa Albay dahil patuloy ang mataas na aktibidad nito.

Ayon sa Phivolcs, patuloy ang mabagal na pagdaloy ng lava na may haba na 3.5 kilometro sa Bonga Gully, 2.8km sa Mi-isi Gully, at 1.1km, sa Basud Gully ng bulkan.

May pagguho rin umano ng lava na umaabot ng apat na kilometro mula sa crater ng Bulkang Mayon. Tuloy din ang pagbuga ng sulfur dioxide at nakitaan ng panandaliang pamamaga ang bulkan.

The post Bulkang Taal nagpaparamdam, Mayon nag-aalboroto pa first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments