Manila Water kasado 24/7 suplay ngayong tag-araw

Pinaghandaan na noon pang nakaraang taon ng Manila Water ang mga kinakailangang hakbang upang tiyakin na 24/7 magpapatuloy ang suplay ng tubig sa mahigit 7.6 milyong kostumer ng kompanya ngayong tag-araw.

Ayon sa Manila Water, kayang lumikha ng 110 million liters per day (MLD) ng tubig ang Cardona Treatment Plant nito na kasalukuyan nang nagbibigay ng suplay sa ilang bayan sa Rizal.

Kumukuha na rin ang East Bay Phase 1 ng tubig mula sa Laguna Lake at may kapasidad itong linisin hanggang 50 MLD.

Sa Tayabasan River sa Antipolo City, ang Calawis Water Treatment Plant ay nagagawang linisin ang tubig galing sa ilog ng hanggang 80 MLD.

Pero, may mga alternatibo pang pinagkukunan ng tubig ang Manila Water kung kinakailangan tulad sa Marikina Portable Water Treatment Plant na kumukuha ng tubig mula sa Marikina River at kayang magsuplay ng hanggang 20 MLD.

May mga deep well o malalim na balon din sa ilang lugar ng concession area ng Manila Water na kayang magdagdag ng hanggang 110 MLD kung kinakailangan.

Patuloy din ang systems check ng kompanya tulad ng regular na maintenance ng mga pasilidad, linya ng tubig, at mga kagamitan gayundin ang mga line booster at regulating valves. Ang regular na system monitoring ay nakakatulong upang mapanatiling mababa ang non-revenue water.

The post Manila Water kasado 24/7 suplay ngayong tag-araw first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments