Mga iskolar ng UniFAST  tagilid 

Sa nakalipas na dalawang taon, nasadlak sa dusa ang mga estudyanteng pinangakuan ng libreng edukasyon sa ilalim ng programang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) ng Commission on Higher Education (CHED).

Tinengga kasi ng CHED ang pagbabayad sa mga kolehiyo at pamantasan kung saan nag-aaral ang libo-libong iskolar ng bayan.

Katunayan, pumalo na sa P2.1 bilyon ang utang ng CHED sa mga pribadong kolehiyo at pamantasan mula 2021 hanggang 2023, ayon mismo kay Agapito Lubaton na tumatayong tagapagsalita ng Association of Higher Education Institution (AHEI).

Anyare? Hindi ba’t may P10.3-bilyong nakalaan sa CHED para tustusan ang matrikula at allowance ng mga pmmag-aaral na kumukuha ng iba’t-ibang kurso sa mga state universities and colleges (SUCs) at mga pribadong pamantasan?

Ang nakapagtataka, iginiit ni CHED chairman Popoy de Vera sa isang pagdinig ng Kamara na walang pondo ang kanyang tanggapan para bayaran ang bilyon-bilyong matrikula ng mga estudyanteng benepisyaryo ng UniFAST.

Ang UniFAST ay attached agency ng CHED.

Pero sakalıng true ang sinabi ni de Vera sa Kamara, hindi malayong patigilin na sa pag-aaral ng mga pribadong pamantasan ang iskolar ng UniFAST.

Pero hindi naman ganun ang nangyari sa ang mga pribadong kolehiyo at pamantasan. Katunayan, patuloy ang pag-aaral ng mga UniFAST scholars kahit tila bantulot ang CHED na magbayad sa napakalaking pagkakautang ng ahensya.

Kaya ang tanong natin – nasaan ang P10.3 bilyong pondo ng CHED? Mukhang dapat silipin ng Commission on Audit (COA) ang usaping ito.

Pero sang-ayon din tayo na napapanahon na para busisiin ng Kamara ang isyung ito.

Kailangang ituloy ni Northern Samar Rep. Paul Daza ang pangungulit sa COA na suriin kung paano at saan ginastos ang pondong sadyang inilaan ng Kongreso para sa matrikula at allowance ng mga maralitang mag-aaral na ang tanging hangad ay makatapos ng pag-aaral sa pag-asang edukasyon ang susi para makaahon sa kahirapan.

Hangad natin na magkaroon ng linaw ang isyu sa pondo ng mga iskolar sa ilalim ng UniFAST.

Dapat malaman kung saan napunta ang inilaang pondo sa CHED na dapat ay paghuhugutan ng budget sa gastusin ng mga iskolar sa UniFAST.

The post Mga iskolar ng UniFAST  tagilid  first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments