Dennis Padilla opens up about relationship with partner 23 years younger than him

Natagpuan ni Dennis Padilla, 58, ang kanyang true love sa piling ng Filipino-Australian partner na si Linda Gorton, 35. 

Labindalawang taon na ang kanilang relasyon. 

Sa ekslusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi ni Dennis kung paano sila nagkakilala ni Linda noong 2008. 

"I had a dinner with a friend. And then this friend had another friend na in-invite. Ito na nga si Linda.

"We met through a common friend. E, di okay naman kami.

"Nagbabakasyon siya dito from Australia. Niligawan ko habang nagbabakasyon siya rito." 

Noong panahong iyon, 46 years old si Dennis at 23 years old naman si Linda.

Mabilis na nahulog ang loob nila sa isa't isa. Pero kinailangan ni Linda bumalik ng Australia dahil, bukod sa doon ito nakatira, ay nag-aaral pa ito noon. 

Balik-tanaw ni Dennis: "So sabi niya, 'Papaano ito? Matatapos itong relationship natin dahil babalik na ako sa Australia.'

"Sabi ko, 'No, December, before Christmas, I'll visit you and stay there until my birthday in February.'

"So siyempre, nag-save muna ako ng baon ko, ng pamasahe... So, nagtuloy ang relationship namin." 

DENNIS VISITS LINDA IN AUSTRALIA

December 2008 nang lumipad si Dennis patungong Australia. 

Ani Dennis, "I stayed there for three months. I left February rin, and then nag-work na muna ako."

Mula noon ay hindi na raw pinakawalan pa ni Dennis si Linda. 

Pag-uwi niya ng Pilipinas noong February 2009, nagtrabaho raw muna si Dennis ng isang buwan.

Pagkatapos ay bumalik ulit ang aktor sa Australia mula March hanggang July 2009.

Sa puntong iyon, kinausap daw nang masinsinan ni Dennis si Linda tungkol sa patutunguhan ng kanilang relasyon.

"Then July 2009, I convinced her to go back with me. Sabi ko, 'If we will be together, it's better na dito na sa Pilipinas.'

"Sabi ko, 'Number one, I have a stable job in the Philippines. Number two, I'll be earning more.'

"Kasi kung regular jobs sa Australia, pwede na rin pero di siya ganun kalaki. So, nag-decide na rin siya to join me here.

"The rest is history." 

Nakapanayam ng PEP.ph si Dennis sa PEP Exclusives, isang on-cam interview kunsaan nagkuwento siya tungkol sa kanyang buhay-pamilya, showbiz career, at lead role sa Metro Manila Film Fest entry na Pakboys: Takusa

DENNIS PADILLA'S 23-YEAR AGE GAP WITH LINDA GORTON

Patuloy ni Dennis, hindi raw naging balakid ang 23-year age gap nila ni Linda sa kanilang pag-iibigan. 

Nagpatibay raw ng kanilang relasyon ang pagbibigayan nila sa isa't isa.

Hindi raw siya nito iniwan sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan nila bilang magkatuwang sa buhay.

Lahad ni Dennis: "On her part, it would be a lot of patience.

"Alam mo naman ang buhay ng artista, up and down financially and career-wise.

"Number two, up and down din ang temper ko. Kasi pag pagod, siyempre iba yung pressure sa trabaho ko. Minsan mainit ang ulo mo.

"Kailangan niya ng mahabang patience. And on my part, I'lI have to control my emotions a lot of times kasi I'm getting older na rin." 

Sa tagal ng kanilang pagsasama, hiling ni Dennis na wala nang makakabuwag pa sa kanila ni Linda.

Umaasa siyang si Linda na ang kanyang true and lasting love.  

"Yes, I hope eto na nga yun," napangiting sabi ni Dennis. 

Dagdag niya, "Kasi 58 na ako. Parang nasa last card na ako ng buhay ko."

Biniyayaan ng dalawang anak sina Dennis at Linda. Ang kanilang panganay na si Gavin ay eight years old at ang bunso nilang si Maddie ay four years old.  

Anak na rin ang turing ni Dennis sa 15-year-old daughter ni Linda na si AC. 


PROUD FATHER

Unconventional man ang set-up ng pamilya ni Dennis, bukas ang aktor sa kanyang pagiging proud father sa pito niyang anak. 

Sabi niya sa PEP.ph, "I have seven children with three mothers." 

Dalawa ang anak ni Dennis sa first wife niyang si Monina Gatus—sina Dianne, 30, at Luis, 29.

Mayroong tatlong anak ang aktor sa ex-wife niyang si Marjorie Barretto—sina Julia, 23, Claudia, 21, at Leon, 17.

At mga tsikiting pa ang dalawang anak nina Dennis sa current partner na si Linda. 

Watch the full PEP Exclusives interview of Pakboys: Takusa star Dennis Padilla here:

[ArticleReco:{"articles":["155677","155573","155430","155495"], "widget":"Hot Stories"}]

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Post a Comment

0 Comments