Feeling eksperto dumami

Habang nalalapit ang pagdating ng COVID vaccine sa bansa ay biglang dumami at tila kabuteng nagsulputan ang mga self-proclaimed experts sa bakuna.

Kahit saang umpukan ay makakarinig ng huntahan ng mga eksperto kuno sa bakuna, at mas marami pa sa social media na kulang na lang sabihing sila ang tama at hindi ang mga totoong eksperto sa larangan ng medisina.

Dahil dito, nagdudulot ng kalituhan sa publiko kung ano ba talaga ang totoo dahil sa mga sari-saring nababasa at naririnig mula sa mga hindi opisyal magsalita patungkol sa bakuna.

Habang abot-kamay na lamang ang pag-asa para makalagpas sa pagsubok na idinulot ng pandemya, sumasabay naman ang mga magagaling kuno at nagmamagaling upang kontrahin at kuwestiyunin ang mga ginagawa ng gobyerno.

Malinaw naman na ang gusto lamang ng administrasyong ito ay mabawasan ang mga magkakasakit at mamamatay dahil sa COVID-19 pero tila gusto pang guluhin ng mga naniniwalang sila ang may tamang pananaw at katwiran.

Matindi ang debate ngayon sa isyu ng bakuna at lahat ay gustong sumakay at magbigay ng sari-saring opinyon kaya naman ang taongbayan ay nalilito at nagda-dalawang isip kung ano ba talaga ang papaniwalaan at susundin.

Siyempre pa, piyesta ang mga kontra sa gobyerno at nakakita ng pagkakataon na mistulang parang asong kahol ng kahol para makagawa ng ingay at mapag-usapan.

Sampung buwan ng nagsasakripisyo ang sambayanang Pilipino sa epekto ng COVID crisis at ngayong abot-kamay na lamang ang pag-asa para makahulagpos sa mahabang panahon ng pagtitiis, takot at sa nawalang oportunidad ay sumasabay naman ngayon ang mga pulitiko at mga anti-government group para punahin ang mga ginagawa ng gobyerno para makakuha ng bakuna.

Noong panahong solong binalikat ng gobyerno ang responsibilidad para matulungan ang mga naapektuhang sektor , may mga pulitiko ba o grupong tumulong o nagpakita ng malasakit sa mga Pilipinong nawalan ng pagkakitaan at nagutom dahil sa pandemya?

Mabuti pa ang pribadong sektor dahil nagboluntaryong tumulong sa pamahalaan at sa mga naapektuhang sektor para kahit paano ay panandaliang matugunan ang mga kumakalam na tiyan.

Sa totoo lang, kilala lamang nitong mga self-proclamimed expert kuno , mga pulitiko, pati na rin ang ilang mapagsamantalang grupo si Juan dela Cruz kapag kailangan nila ang boto.

Sana manahimik muna ang mga umaastang eksperto at bigyan ng respeto at tiwala ang mga tunay na may alam tungkol sa bakuna para mabilis na makarating sa mga Pinoy ang pag-asang magsasalba sa kanila sa peligro at kaligtasan laban sa salot nag COVID-19.

Lahat po ng bakuna na ituturok sa mga Pilipino ay dadaan sa masusing proseso para makasiguro na ligtas kaya dapat mapanatag ang kalooban ng sambayanan at magtiwala sa gobyerno.

Para sa mga naggaggaling-galingan at laging kontra sa gobyerno, ito po ang mensahe ko sa inyo: sana, harinawa abutan pa kayo ng bakuna.

The post Feeling eksperto dumami first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments