Sa isang malayuang chikahan ng mga babaeng personalidad ay naging paksa nila ang isang popular na female personality. Para silang inililigaw ng kanilang emosyon.
Naaawa sila na parang naiinis din sa kilalang-kilalang babaeng personalidad dahil sa kanyang mga ginagawa at pinagsasasabi.
Kuwento ng aming source, “Mixed emotions sila. Parang awang-awa sila sa girl, pero naiinis din sila, kasi nga, e, siya rin naman kasi ang gumagawa ng paraan para siya pagpiyestahan ng publiko!
“Totoong maganda ang nagsasabi ng totoo, pero dapat, e, pinag-iisipan din muna niyang mabuti kung ano ang magiging resulta ng mga sinasabi niya, ‘yun ang point ng mga nagkukuwentuhan tungkol sa kanya,” patikim na komento ng aming impormante.
May mga personalidad na mahilig magdenay. Lantad na sa publiko ang katotohanan pero panay pa rin ang kanilang pagsisinungaling. Du’n naman naiiba ang pinagkukuwentuhan nilang female personality.
Patuloy ng aming source, “Ito namang female personality na ito, kahit ano na lang, e, inilalantad niya in public. Wala siyang pinipiling issue, kuda lang siya nang kuda.
“Wala siyang itinatago. Sinasabi niya kung anong soap ang ginagamit niya, parang kasama ka niya sa paliligo. Kung ano ang kinakain niya, ikinukuwento rin niya, parang kasalo ka niya habang kumakain.
“Wala na tuloy sorpresa, lahat na lang ng ginagawa niya, ng mga nangyayari sa buhay niya, e, naka-broadcast sa buong mundo!” sabi pa ng aming impormante.
Isa sa dating pinakamabentang tagapag-endorso ng mga produkto ang female personality na ito. Sabihin mo lang ang produkto at siguradong siya ang tagapagbenta nu’n sa buong bayan.
“Lahat ng nangyayari sa buhay niya, lalo na sa health niya, e, ipinagbabanduhan niya sa lahat. ‘Yun ang dahilan kung bakit wala na siyang ine-endorse ngayon.
“Sinong ahensiya pa ang kukuha sa kanya, e, parang hindi na siya effective endorser? Gamot, vitamins, ointment at kung anu-ano pang products, hindi na niya puwedeng i-endorse, kasi nga, e, siya mismo ang naglalabas ng mga sakit niya?
“Totoong magandang maging totoo, pero siya rin ang naglalaglag sa sarili niya! Bawas-bawasan sana niya ang kadaldalan kapag may time,” napapailing na lang na pagtatapos ng aming source.
-o0o-
KC bumawi kay Sharon
Ito na ang hudyat ng mas magandang samahan ng mag-inang Sharon Cuneta at KC Concepcion. Kung pinaglayo man sila nu’ng nakaraang taon ay bawing-bawi naman ngayon ang mga panahong nawala sa kanilang mag-ina.
Nagsimula ang lahat nu’ng nakaraang Noche Buena. Dumating si KC sa bahay ng kanyang ina. Walang tanungan at sumbatan, meron nga namang tamang pagkakataon para sa ganu’n, masaya nilang ipinagdiwang ang Pasko.
Nu’ng nakaraang taon, nang bigyan ng selebrasyon ng kanyang kaarawan si Sharon sa ASAP Natin ‘To ay hindi malilimutan ng manonood ang kanyang sinabi na dapat ay apat ang mga anak niyang nandu’n, pero sina Kakie, Miel at Miguel lang ang kanyang katabi.
Hindi naging maayos ang lahat sa kanila ni KC nu’ng nakaraang taon, maraming kuwentong lumabas, maraming nakisimpatya sa Megastar.
Pero bumabawi si KC, sunud-sunod na pagbawi dahil mula sa El Nido kung saan ito nagbakasyon ay bumalik lang muna ang dalaga sa Manila, pero bumiyahe uli papuntang Amanpulo kung nasaan ang pamilya ng Megastar.
Eport kung eport, di ba naman, na tunay na ikinaligaya ni Sharon dahil kumpleto na naman ang kanyang pamilya. Para sa isang tulad niya na meron na ng lahat ng materyal na bagay sa mundo ay ‘yun na ang pinakamahalaga.
Napakaraming maligaya para sa mag-ina. Ang punto nga naman ng reyalisasyon ay hindi nawawala sa ating puso. Anuman ang mangyari ay dugo pa rin ang magtatagumpay.
Wala nang mahihiling pa ngayon si Sharon Cuneta. Walang-wala na. Kumpleto na siya.
The post Female personality mawalan ng endorsement sa kadaldalan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments