Galawang showbiz ngayong pandemya

NI: ALWIN IGNACIO

Isa sa pinaka-apektado ngayong pandemya ay ang entertainment industry.

Ang mga taga-pelikula, radio, telebisyon, concerts, events at iba, dusang-dusa. Lahat ay umaray. Great equalizer ika nga ang pangayaring ito.

Dahil sa imposed na quarantine status, ang mga dating nakagawian sa showbusiness, hindi na muna pwede, at kung sakaling ginagawa na ang mga dating kalakaran, to the dot and letter pa rin ang protective protocols.

Sa totoo lang, hirap-hirap pa ring makagawian at makagiliwan, ang zoom conferences. There is something so artificial to the whole conference experience pag virtual ang chikahan.

Laging may time limit, kadalasan ay isang oras lamang. Kadalasan, sa zoom conferences na ito, iilan lamang ang mga pwedeng magtanong.

Pansin na pansin din na sa mga tanungan, parang pang-Hollywood press junket ang bidahan. Umiikot lamang ang chikahan sa mga tanong na sino, ano, saan kailan, bakit at paano ang itinatanong sa mga artista.

Dahil pare-pareho niyong narinig ang mga sagot, pagalingan na sa pagiging malikhain para mas kapana-panabik at mas nakakakiliting basahin ang iyong tinipa.

Siyempre, sa Abante Tonite, gamit na gamit ang kasabihang “nose for news” kaya ang pagkalap ng balita, talagang sinusuyod ang social media platforms dahil nga hindi naman palagian ang zoom conferences.

Kung may “live” press conferences o premieres, lahat ng dumadalo ay obligadong magpa-swab test at ang resulta nito, iyong ibibigay sa PR o sa taong nag-imbita sa iyo para payagan kang makatuntong sa venue.

Practiced ang social distancing sa live presscons. Limitado ang mga iniimbitahan.

Kung may presidential table set up, lahat ng mga artistang isasalang naka-mask at face shield din,nakapag-swab test. Ang mga mikropono kung limitado, laging winiwisikan ng alcohol.

Bawal ding kamayan, umakbay, yumakap at mag-beso sa mga artista na dating mga kinasanayan.

Sa mga shooting at tapings, required na lahat ay magpa-swab test. May naka-stand by na medical teams. Palagian ang disinfections. At lahat ay naka-lock. Lahat ng mga tao ay all accounted for at hindi pwede ang kung sino—sinong walang kaugnayan sa produksyon.

Isang tao na lang ang pwedeng kasama ng mga artista. Minimal pero efficient crew ang kasama sa shoot.

Walang senior stars at child stars ang pinapahintulutang mag-shooting, out of town or studio man.

Sa mga noontime variety shows gaya ng Eat Bulaga, It’s Showtime, Lunch Out Loud,bawal ang audience. Ang mga segment na may interaction, pre-taped at lahat naka-mask at face shield, at lahat dapat clean bill of health at hindi positive ang results sa mandatory swab testings,

Dahil nga nasa GCQ status pa sa buong Metro Manila, ang mga pelikula naman online na ang lahat. Pati na rin ang mga concert, lahat virtual.

Apektado ang box office grosses ng mga pelikula. Hindi lahat ng mga show sa natitirang free networks ay mataas ang ratings. May network na sandamakmak ang commercial loads. May iba na halos wala.

Ang mga artista rin, nag-vlogs para hindi makalimutan ng mga fan. Ang nangyari, dahil halos lahat ng nangyayari sa mga buhay nila ay nasa digital universe, nawala ang kanilang mystery, magic at hindi porke mataas ang viewership at subscribers, kayang magpagalaw ng kung ano man sa mass merkado.

Dahil din sa pandemya, mas dumami pa ang online sensations, flash in the pans, talked about today pero forgotten in a day or after a few hours dahil nga may bago na namang pinagkakaguluhan at pinag-uusapan.

Ngayong pandemya, ang social media rin ang naging battle field para sa political views, fake news at inspirational stories.

Wala pang katiyakan kung kailan mababalik sa dati ang lahat. Oo, nagawa nating sanayin ang ating mga sarili at makisabay sa “new normal” pero hindi ibig sabihin na dapat palagi tayong ganito.

Ang show business, yayakapin siyempre ang mga bagong pauso pero umaasa siyempre ang lahat na babalik sa dati ang lahat.

The post Galawang showbiz ngayong pandemya first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments