Glaiza de Castro reminisces the day she said "yes" to David Rainey

Nasa Ireland pa rin hanggang ngayon ang Kapuso actress na si Glaiza de Castro kasama ang kanyang Irish fiancé na si David Rainey.

Sa panayam namin kay Glaiza via Zoom sa DZRH noong January 8, masayang binalikan ng aktres ang araw kung kailan nag-propose sa kanya si David bago mag-Pasko.

Ilang araw pa lang daw noon ang aktres sa Ireland kung saan tumigil sila sa isang bayan na pinagbabakasyunan ni David at ng buong pamilya nito.

Sa Belfast daw talaga naka-base sina David, pero may bahay rin ang mga ito sa bayan ng Donegal.

Malapit daw sa beach ang bahay ng nobyo, at mayroon silang pinapasyalan doong burol at gubat kung saan nagpi-picnic sila minsan.

Isa raw sa pinupuntahan nila ay ang Ards Friary, kung saan nag-breakfast sila habang hinihintay ang pagsikat ng araw.

Doon daw naganap ang proposal sa kanya ni David.

Lahad ni Glaiza, “Nangyari ‘yon on my third day o fourth day here. ‘Tapos, typical kasi kay David mag-aya ng sunrise, e.

“Gigisingin niya ako maaga, mag-breakfast kami somewhere na parang picnic type.

“Pero nung time kasi na yun, sobrang lamig. So, talagang nag-ready kami ng food, ng coffee.”

Medyo kakaiba raw ang mga ikinikilos ni David noong araw na yun. 

“‘Tapos, medyo naging weirdo lang few minutes before the proposal, nung before niya ako tinanong.

“Kasi, apparently, tina-timing niya kasi yung pagputok ng araw. Ngayon kasi winter, late yung sunrise.

“Nung araw na ‘yon, ang forecast, 9 o’clock yung sunrise. ‘Tapos nagdi-delay siya.

“So, parang… 'Ano ang nangyayari, bakit hindi pa tayo kumakain?' Kasi nagugutom na ako.

“So, before nun, kumuha muna ako ng tinapay, nagkape muna ako, ‘tapos parang niyayakap niya ako, kinakausap niya ako. Tina-try niya akong i-distract.

“‘Tapos iniisip ko kung ano yung nangyayari. May weirdo akong feeling, yung parang merong mangyayari. Pero tina-try kong i-brush off.

“So, nung dinala niya ako sa isang spot, nagpatugtog siya. Ito yung song na dahilan kung bakit kami nagkakilala.”

Ang kantang tinutukoy ni Glaiza ay ang “Loaded” ng bandang Primal Scream.

Naglakad daw sila papuntang Ards Friary, na parang burol, tanaw ang beach at malapit sa forest.

Ipinost nga ito ni Glaiza sa kanyang Instagram account dahil muli niyang sinariwa ang pangyayaring iyon.

[instagram:https://ift.tt/3nRHlpQ]

THE PROPOSAL

Pagpapatuloy ng aktres, “Papunta dun sa lugar na yun kung saan siya nag-propose, meron kaming siguro mga 15 minutes na lakad.

“Naglalakad kami, wala akong ideya na kahit ano na may gagawin siyang surprise.

“Typical kasi sa kanya mag-aya, na siyempre alam ko pinapakita lang niya sa akin na eto yung lugar.

“Kasi, ever since bata pa lang sila, dun sila pumupunta tuwing summer until na magkaroon sila ng lugar sa Belfast.

“Nung nagpatugtog na naman siya, tina-try ko na naman siyang i-brush off na, ‘Yes, party,’ ganun.

“Akala ko nagpapatugtog lang siya kasi typical of him na nagdadala ng speakers, magpatugtog habang kumakain kami.

“‘Tapos bigla siyang humarap sa akin. Sabi niya, ‘can I ask you something?’

“‘Tapos, ‘Shucks eto na ba yun? Oh my God!’

“Tinitingnan ko lang siya nang matagal, naiiyak na ako. Parang, ‘Oh my God! Eto na ba yun?’

“‘Tapos, lumuhod na siya, ‘tapos pinresent na niya yung ring, parang naloka na ako… as in hagulgol level.”

Doon lang daw naintindihan ni Glaiza ang mga kababaihang naiiyak kapag nagpu-propose ang kanilang boyfriend.

“Ganun pala yung feeling, ‘no?” sambit niya.

“Siyempre, ilang beses ko nang ginawa yun sa mga eksena. ‘Tapos kinukuwestiyon ko na every time na gagawin ko siya, ‘Bakit umiiyak yung karakter ko? Bakit kailangang umiyak? Proposal lang naman, hindi pa naman wedding.’

“Pero nung nandun na ako sa actual na sitwasyon, ganun pala yung pakiramdam na parang hindi siya totoo, na parang nandun din yung…

“Oh my God, lahat ng paghihirap natin, lahat ng questions ko before, lahat ng mga uncertainties ko, tinuldukan niya, na parang, ‘Sure na ‘to, sure na tayo.’ Yung ganun!”

Kaya lalo raw nanlamig ang kanyang kamay nang tinanggal na ang suot niyang gloves at isinuot ang singsing.

“Sobrang nilalamig ako kasi mahangin din nung panahon na yun.

“Parang hindi totoo. Lahat nung time na nangyari yun, parang hindi siya totoo.

“So, parang yung nasa alapaap ako. Parang nananaginip.

“‘Tapos pagkasabi ko ng ‘yes,’ biglang pumutok yung araw.

“Timing na ganun. Biglang nagliwanag talaga,” excited niyang kuwento.

BLESSING FROM GLAIZA’S PARENTS

Masayang ikinukuwento ito ni Glaiza dahil hindi documented ang proposal sa kanya ni David.

Natatakot daw kasi ang kanyang boyfriend na kumuha pa ng magsu-shoot sa kanila at baka hindi niya magawa nang maayos ang pagpu-propose.

Bukod pa rito, hindi raw sanay si David humarap sa kamera.

Ang isa pang ikinatuwa nang husto ni Glaiza ay nagpaalam si David sa magulang ng aktres bago ito nag-propose.

Nag-effort din daw itong mag-aral magsalita ng Tagalog nang naka-video chat nito ang mga magulang ni Glaiza.

“Humingi ng blessing si David before… nung malaman niya na tuloy ako na pagpunta dito, kinausap niya yung parents ko via video call.

“Pina-translate niya yung gusto niyang sabihin sa kaibigan namin sa Baler, ‘tapos may kodigo siya. Kasi Tagalog niya kinausap yung parents ko,” saad niya.

Hindi na raw natanong ni Glaiza ang mga magulang niya kung paano sila nagkausap, pero ang alam daw niya ay nagkaintindihan naman sila.

THE WEDDING DATE

Hopefully ay makakuha na sila ng tamang date ng kasal sa taong 2022, dahil mahirap pa raw ang preparasyon kung ngayong 2021 ito gagawin.

Ang napagkasunduan nila ay sa Pilipinas ang kasal, dahil willing naman daw ang pamilya ni David na mag-travel papunta rito.

“Malamang sa Pilipinas kasi halos lahat ng mga kamag-anak ko, nandiyan.

“Yung family kasi ni David sobrang konti lang. Parang wala pang sampu sila, mas madaling dalhin if ever.

“Nung kinausap namin yung family niya, willing naman din daw sila mag-travel.

“So, definitely hindi pa this year, kasi medyo mahirap pa po yung sitwasyon natin.

“Pero once na maging okay na, hopefully by 2022, matuloy,” sabi ng Kapuso actress.

Basta gusto raw nilang may beach ang venue ng wedding.

Pero hindi pa nila napagkakasunduan kung sa Baler, kung saan may resort si Glaiza at may ipinapatayo rin silang café, o sa Siargao kung saan sila nagkakilala.

Nagsisimula na raw silang maghanap ng magandang venue dahil iyon daw ang dapat unahin sa preparasyon.

Pero abala rin sila sa pag-aasikaso sa ipinapatayo nilang café sa Baler.

“Si David kasi, gusto na rin talaga niya sa Philippines.

“So, malamang na magkaroon kami ng different na places in each country. Di ba, ang saya?

“Every time na gusto namin magbakasyon, punta kami dito.

“‘Tapos, nagsi-set-up din po kami ng café sa Baler.

“Isa sa mga projects namin na ongoing ngayon. Isa sa mga investments namin. Nag-uumpisa na yun.

“Hopefully, this year matapos, at next year ay ma-open na rin namin sa public,” asam ni Glaiza.

Nagpasalamat din ang aktres sa lahat ng bumati sa kanila. Hanggang ngayon ay patuloy raw siyang nakakatanggap ng mga mensahe.

Pati nga raw ang mga kapitbahay nina David sa Donegal, na kahit hindi close sa kanila, ay bumabati at masaya para sa kanilang dalawa.

“Ang dami naming natanggap na cards. Kasi ugali nila mag-send ng cards.

“Kahit ang mga kapitbahay nila dito na hindi naman masyadong close sa kanila, yung mga friends ng parents niya, nagsi-send ng post para maipadala yung card nila dito.

“Isa yun sa mga bagay na parang hindi ako sanay. Hindi natin nakaugalian.

“Di ba sa atin, comment, message, text? Parang hindi na na natin masyado ginagawa yung cards.

“Dito na-appreciate ko na handwritten yung cards, yung mga messages nila.

“Siyempre, grateful din ako sa lahat ng mga taong nag-congratulate sa akin.

“Siguro nakadagdag yun sa feeling na ‘Lord, thank You sa blessing na ‘to.

“Siyempre, ang hirap din kung ikaw lang ang masaya, di ba?

“Dapat masaya din yung mga taong nasa paligid mo. Mas nakadagdag yun sa pagiging grateful,” masayang pahayag ni Glaiza.

[ArticleReco:{"articles":["156026","156017","156007","156004"], "widget":"Hot Stories"}]

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Post a Comment

0 Comments