House-tour vlogs ng artista takaw-pansin sa mga magnanakaw

Masasabing masuwerte pa rin si Xian Lim dahil nanakawan man siya ng mga gamit na mamahalin, walang nasaktan sa kanyang mga mahal sa buhay nang looban ang bahay nila sa Antipolo City.

Dapat magsilbing babala sa lahat ang naganap na pagpasok at pagnanakaw ng masasamang loob sa tahanan ni Xian, lalo na sa mga mahihilig mag-post sa social media ng mga video at litrato ng kanilang mga bahay.

Matatandaang nag-post ng house tour sa kanyang YouTube Channel noong October 2020) ang aktor.

At nitong pandemya, mas dumami ang artista na gumagawa ng house-tour vlogs, na patok sa mga YouTube fans.

Malaking tulong din ang social media sa kanilang visibility kaya nakasanayan na ng karamihan ang mag-post sa kanilang account ng mga video at larawan ng mga tahanan at daily activities nila.

Siyempre, bukod sa exposure, may extra income din sila kapag mataas ang views sa YouTube at Facebook.

Back to house tours, malaki ang interes ng publiko sa mga house tour, pero may panganib na hatid ito dahil napag-aaralan at natutukoy ng mga kriminal ang pasikot-sikot sa tahanan ng kanilang mga tina-target na biktima.

Wala man proof kung may kinalaman ang house tour ni Xian sa insidente, hindi dapat maging kampante.

Mula nang maging palasak ang social media, hindi nagkulang ang police authorities, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo, na magbigay ng paalalang iwasan na mag-post ng mga litrato habang nagbabakasyon sa ibang lugar dahil nalalaman ng mga kriminal na walang tao o bantay sa bahay kaya mataas ang kaso ng nakawan.

Mas malaki ang panganib na puwedeng idulot ng mga house tour dahil walang sinisino na tao, walang pinipili na panahon at lugar (exclusive village man o hindi ang tinitirhan) ang mga magnanakaw kaya dapat na maging maingat ang lahat—celebrity man o mga ordinaryo na mamamayan—sa kanilang mga social-media posts.

Sa pagpapakita sa social media ng mga mamahaling gamit at ng kabuuan ng mga tahanan nila, parang sila rin ang nag-anyaya o tumukso sa mga kriminal na pasukin at pagnakawan ang kanilang mga bahay. 

Mas mahalaga pa rin na panatilihin ng mga artista na pribado mula sa paningin ng publiko ang kanilang mga tahanan, dahil wala nang hihigit pa sa kaligtasan at kapayapaan ng isip na kailanman ay hindi mapapantayan ng mga kinikita nila YouTube at ibang social-media platforms.

Makakatulong din siyempre na pag-igtingin ang security. Sa panahon ngayon, mas mainam ang maging maingat at segurista.

[ArticleReco:{"articles":["156002","155629","154719","153452"], "widget":"Hot Stories"}]

Post a Comment

0 Comments