Enrile: Cagayan Governor Mamba na-disqualify sa sariling ebidensya

Mismong si disqualified Cagayan Governor Manuel Mamba ang nagpahamak sa sarili niya para mawala sa puwesto.

Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa kanyang weekend television program kaugnay sa pag-disqualify ng Commission on Elections (Comelec) kay Mamba dahil sa paglabag sa election ban sa paggamit ng public funds sa panahon ng kampanya.

Ayon kay Enrile, ang gobernador mismo ang nagbigay ng ebidensiya para ma-disqualify dahil inamin nito na namigay siya ng pera sa probinsiya kahit may election ban.

“Nabasa ko `yung desisyon ng Second Division at sigurado akong tama `yung desisyon na `yun. Mismong `yung gobernador Mamba, siya mismo ang nagbigay ng ebidensiya para ikulong siya, ma-disqualify siya. Inamin niya, `yung tinatawag namin sa law of evidence admission against interest. Tinanggap niya na nagbigay siya ng pera ng probinsiya doon sa period of election ban that was why he was disqualified,” paliwanag ni Enrile.

Hindi lamang aniya disqualification ang kakaharapin ni Mamba dahil nakagawa umano ito ng krimen sa ilalim ng election law kaya sasampahan din ng criminal case sa ilalim ng election code.

Sinabi ni Enrile na nakapagtatakang hindi alam ng abogado ni Mamba ang rules of evidence at inamin ang pamimigay ng pondo habang mayroong election ban.

Dahil dito, sinabi ni Enrile na lumalabas na walang kalaban si Zarah Rose Lara na siyang nagsampa ng disqualification ni Mamba kaya ito ang uupong gobernador ng Cagayan.

“Ewan ko kung sino `yung abogado niya na gumawa ng pleadings na hindi niya nalaman `yung rule ng evidence na `yun. Walang kalaban si Lara, siya lang ang kandidato so siya ang uupong gobernador. He was not a candidate, he disqualified himself,” wika ni Enrile. (Aileen Taliping)

The post Enrile: Cagayan Governor Mamba na-disqualify sa sariling ebidensya first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments