JP dela Serna's camp retracts statement about "powder drugs" in New Year's Eve party with Christine Dacera

Binawi ng kampo ni JP Dela Serna ang nauna nitong pahayag tungkol sa “powder drugs” na nakita diumano niya sa New Year’s Eve party na dinaluhan din ng flight attendant na si Christine Dacera.

Ilang oras pagkatapos ng party, natagpuang wala nang buhay si Dacera sa batthub ng Room 2209 ng City Garden Hotel, sa Makati City, noong January 1, 2021.

Sa ulat ng ABS-CBN News ngayong araw, January 13, sinabi ng abugado ni Dela Serna na na-pressure lamang ang kanyang kliyente sa salaysay nito dahil tinorture diumano ito kasama ang iba pang respondents sa kasong pagkamatay ng flight attendant.

Hindi naman tinukoy ng abugado sa kanyang pahayag kung sino ang nag-pressure at nag-torture umano kay Dela Serna.

Sa eksklusibong ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras noong January 11, sinabi raw ng kanyang source ang nilalaman ng sinumpaang salaysay ni Dela Serna, isa sa mga kaibigan ni Dacera na nag-stay sa Room 2209 ng City Garden Grand Hotel.

Ayon umano sa salaysay ni Dela Serna, mayroong “powder drugs” na ginamit ang grupo sa Room 2207.

Isang nagngangalang "Mark Anthony Rosales" ang binanggit ni Dela Serna na nag-aya umano sa kanyang gumamit nito.

Pero tumanggi raw si Dela Serna sa inalok umano sa kanyang party drug.

Bahagi ng salaysay ni Dela Serna: "Bandang 1:00 A.M. ng January 1, 2021 ay may ipinakita si MARK ANTHONY ROSALES habang kami ay nag-iinuman na may dinukot siya sa kanyang medyas at ipinakita sa amin ang isang powder drugs na nakabalot sa plastic at inaya po niya akong gumamit nito ngunit hindi ako pumayag.

“At pagkaraan ay nakita kong lango na sina LOUIE at MARK dahil sa ginamit nila na powder drugs na dala ni MARK.”

Si Louie de Lima ay sinasabing kaibigan nina Dela Serna.

MAKATI PROSECUTOR'S OFFICE STARTS PROBE ON DACERA CASE

Ngayong araw, sinimulan na ng Makati Prosecutor's Office ang preliminary investigation sa criminal complaint laban sa labing-isang respondents na tinukoy sa reklamong isinampa ng Makati Police.

Sa nasabing pagdinig, dedesisyunan ng mga piskal kung sasampahan ng kaso sa korte o tuluyang ibabasura ang reklamo laban sa labing-isang respondents.

Kabilang sa respondents sina Dela Serna, De Lima, Rosales, John Paul Halili, Gigo de Guzman, Valentine Rosales, Rommel Daluro Galido, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Jammyr Cunanan, at Ed Madrid.

Ayon sa GMA News, naglabas ng pahayag ang Makati City Prosecutor’s Office kung saan sinabi ditong pito sa respondents at kanilang mga abugado ang dumalo sa pagdinig.

Ang iba naman ay nagpadala ng kani-kanilang counter affidavits.

Nagsumite rin daw ang Philippine National Police (PNP) ng supplemental complaint pero hinihintay pa nila ang resulta sa DNA analysis, histopath examination, at laboratory examination mula sa Makati Medical Center, “Hence, they moved for the resetting of the preliminary investigation.”

May hiwalay ring imbestigasyon na isinagawa ang National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa Dacera case. 

[ArticleReco:{"articles":["156061","156044","156038","156054"], "widget":"Hot Stories"}]

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Post a Comment

0 Comments