Madreng nakaitim, sumulpot sa usapan

Mga ka-Misteryo nakakita na ba kayo ng multo ng madreng nakaitim? Sa karanasan ng karamihan ay masama umanong ispiritu ang black nun tulad ng black lady pero sa karanasan ni Shiela, mabuti ang nagpakita sa kanyang nakaitim na madre.

Yan ang ating paksa ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”

Isinangguni ni Shiela ng Mandaluyong ang panaginip niya sa isang kaibigan na kayang maipaliwanag ang kahulugan ng panaginip nang biglang sulpot sa kanilang usapan ang nakaitim na madre.

Misteryo: “Paanong biglang sulpot sa usapan niyo ang nakaitim na madre? Nakita rin ba siya ng kaibigan mo?”

Shiela: “Hindi siya nakita ng friend ko pero malinaw ko siyang nakita sa tabi niya.”

Misteryo: “Paano nagsimula yung karanasan mo?”

Shiela: “Kasi nanaginip nga ako at gusto ko malaman ang meaning kaya kinausap ko friend ko na dream interpreter. Habang nag-uusap kami may biglang lumitaw na multo sa tabi niya kaya nagulat ako. Natakot ako kasi madre siyang naka-itim na abito.”

Misteryo: “Anong sumunod na nangyari? Kinausap mo ba yung madre? Nakipag-usap ba siya? Ano sabi niya?”

Shiela: “Dahil nagulat at natakot ako siya ang kumausap sa akin sa isipan. Actually, naririnig ko boses niya. Sinabi niya wag ako matakot at ipinaliwanag ang kahulugan ng dream ko.”

Misteryo: “Aba ok yun ah. Di ba usually, kaya nagpapakita ang mga multo kailangan nila ng tulong pero sa case mo siya ang tumulong sayo.”

Shiela: “Ganun nga kaya nagtanong ako kung multo ba talaga siya ng namatay o talagang sumulpot lang siya para makipag-kaibigan. Ang sagot niya sa akin, gabay ko siya o yung tinatawag na spirit guide.”

Misteryo: “Kung ganun, nagpakilala ba siya sayo? Saka bakit nakaitim na abito siya?”

Shiela: “Yun daw talaga ang kasuotan niya ng mga panahon na nagsisilbi siyang madre. Hindi ko na lang sasabihin ang name niya.”

Misteryo: “Aba masuwerte ka pala kung ganun. May gabay kang madre na kayang magpaliwanag ng kahulugan ng panaginip.”

Shiela: “Oo nga kaya nabuo sa isipan ko na hindi pala lahat ng black lady, black

Nun at Nakabelong itim na multo ay masama.”

The post Madreng nakaitim, sumulpot sa usapan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments