Mag-ingat sa pagbili ng gamot online

BAGONG taon na at heto na naman tayo at sama-samang magsusumikap para sa mapaganda ang taong 2021 kaya nga sa pagsisimula ng taong 2021 ay nais kong magbigay babala na dapat mag-ingat sa pagbili ng gamot online.

Ngayong panahon kasi ng pandemya ay usung-uso na ang online shopping, mula damit, pagkain at ngayon ay muli na namang nagiging aktibo ang mga nagbibenta ng gamot online lalo na ‘yung mga beauty product.

Napakarami ng mga naging biktima nitong nagdaang Disyembre na nabentahan ng mga pekeng produkto at ‘yung iba ay may epekto naman ngunit hindi ito aprubado ng Food And Drugs Administration (FDA).

Kadalasan ay nagrireklamo ang mga nakakabili dahil sa napakaganda kapag tiningnan nila sa display online kaya agad silang naiinganyo ngunit kapag idiniliber na ay hindi naman pala maganda.

Naaalala n’yo ba kamakailan na pinagmulta ng Food and Drugs Administration (FDA) ang mga online store na Lazada at Shopee, gayundin ang Online Grocery PH at Merz Pharmacy dahil sa pagbibenta ng gamot nang walang awtorisasyon mula sa ahensiya.

Dahil sa dami ng reklamong natatanggap na ng FDA ay agad silang nagsagawa ng imbestigasyon at pinagpaliwanag ang mga inirereklamong online store na wala naman pala silang karapatang magbenta ng gamot online.

May tatlong online selling platform na pinatawan ng multa na nagsimula sa P100,000 hanggang P500,000 depende kung gaano kadami at kung anong klase ng gamot ang kanilang iniaalok online.

Ilan din sa mga botika ang binigyan ng babala ng FDA na ipasasara o kaya ay tatanggalan ng lisensiya dahil nga sa patuloy na pagbibenta ng gamot na online na hindi pinapayagan ng batas.

May ilan kasi sa mga online store na walang license to operate at maging ang mga botika na may physical store ay kasalukuyang minomonitor ng FDA dahil sa marami umano sa mga ito ang patuloy na nagpapalusot online.

Pero matapos uminit ang balitang ito ay pansamantalang nagpalamig ang mga botikang ito ngunit sa pagtatapos ng nakaraang taon ay marami na naman sa mga ito ang aktibo online.

Dapat malaman ng mga mamimili na bawal magbayad online dahil unang-una, kailangang makita ng pharmacist ang reseta ng bumibili para masigurong sa tama mapunta ang gamot at ikalawa ay matiyak na nasa tamang storage at pag-iingat ang gamot.

Mahigpit ang utos ng FDA na dapat ang mga botika ay magbibenta ng gamot sa kani-kanilang mga tindahan lamang at huwag nang tangkain pang mag-alok online.

Delikado kasi na posibleng ang mabiling gamot online ay magdulot ng seryosong side effects at health problems dahil maaaring makontamenado ang mga gamot sa gitna ng biyahe o peke.

Sana huwag kayong malito na ang pinapayagan lamang ng FDA ay ang online ordering services kung ang nagbibenta ay may existing FDA-licensed pharmacy o kung isa itong accredited na botika na may physical address.

The post Mag-ingat sa pagbili ng gamot online first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments