Malaki ang magiging papel ng resulta ng laboratory tests na isinagawa ng Makati Medical Center (MMC) sa mga labi ni Christine Dacera sa takbo ng kaso kaugnay ng kanyang pagkamatay.
Lumalabas na bago maembalsamo ang katawan ng 23-year-old flight attendant, sumailalim ito sa iba't ibang tests sa MMC kung saan siya idineklarang dead on arrival noong January 1, 2021.
Natagpuang wala nang buhay si Dacera sa bathtub ng Room 2209 ng City Garden Grand Hotel sa Makati City noong bandang tanghali ng January 1.
Sa nasabing hotel idinaos ng grupo nina Dacera ang kanilang New Year’s Eve party mula gabi ng December 31, 2020 hanggang January 1, 2021.
Sa eksklusibong dokumento na nakuha ng GMA News—na lumabas sa 24 Oras noong Martes, January 12—makikita ritong 1:45 ng hapon dumating sa Makati Medical Center ang katawan ni Dacera.
Base sa medical bills, limang tests ang ginawa ng MMC sa kanyang katawan.
Kasama na rito kung may trace ba ng ilegal na droga katulad ng opium, morphine, benzodiazepine (tanquilizer), cannabinoids (marijuana), ecstacy, at metampethamine.
Ginawa ang lahat ng tests na ito bago mai-turnover ang mga labi ni Dacera sa Makati PNP at bago ito maembalsamo.
Makikita sa record na bandang 6:02 P.M. naibigay ng Makatid Medical Center ang mga labi ni Dacera sa pulisya.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director for Investigative Services Atty. Jun de Guzman, malaki ang magiging tulong nito sa kanilang imbestigasyon sa kaso ni Dacera.
Pahayag niya, “Sila ang firsthand na nakaano sa cadaver ni Christine so most probably may makukuha kaming mga impormasyon.
“Very valuable ang magiging report ng Makati Med.
“At tutulungan sila ng forensic findings ng NBI kasi sila mismo pinuntahan nila ang cadaver.”
SUPPLEMENTAL EVIDENCE OR ANOTHER CASE?
May intitial report na sa urine samples na nakuha sa katawan ni Dacera ang NBI, maging sa ilang biological samples mula sa katawan ng flight attendant, pero kailangan pa ng confirmatory tests para rito.
“We were very thorough in the collection of the pieces of evidence.
“But we will assure you that the discovery of NBI of some organs will lead to a good investigative report,” sabi naman ni NBI Deputy Director for Forensic Services na si Ferdinand Lavin.
Kapag lumabas na raw ang buong resulta ng imbestigasyon ng NBI, maaaring isumite ito sa korte bilang supplemental evidence o kaya ay mag-file ang ahensiya ng hiwalay na reklamo kaugnay ng kamatayan ni Dacera.
Samantala, hinihintay rin ng Makati PNP ang laboratory tests mula sa MMC sa mga labi ni Dacera. Malaki rin daw ang maitutulong nito sa reklamong inihain nila laban sa naunang natukoy na labing-isang respondents.
Sila ay sina John Paul Halili, Gigo de Guzman, Valentine Rosales, John Pascual Dela Serna III, Rommel Daluro Galido, Louie de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, at Ed Madrid.
Sa January 27 gaganapin ang ikalawang preliminary investigation ng Makati Prosecutor’s Office sa provisional rape with homicide complaint na isinampa ng pulisya laban sa respondents.
Kahapon, January 13, binawi ng ilang respondents ang nauna nilang sworn statements dahil pinuwersa umano sila ng PNP Makati na sabihing may “powder drugs” na ginamit diumano sa party.
[ArticleReco:{"articles":["156100","156096","156087","156075"], "widget":"Hot Stories"}]
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
0 Comments