Male personality inupakan sa ‘sideline’

Mukhang inaalat ngayon ang isang male personality na sa paggising pa lang niya sa umaga hanggang sa matulog siya ay kumakain siya ng bashing.

‘Yun na ang pagkain niya sa araw-araw, hindi lang mga basher ang umuupak sa kanya, kundi pati ang mga tagasuporta ng isang female personality na iniuugnay sa kanya.

Nakakaawa naman ang male personality, walang pahinga ang pagngalot niya ng ampalayang pagkapakla-pakla, mapait na apdo naman ang kanyang panulak sa lahat ng mga bashing.

At nakapag-iisip ang komento ng mas nakararami na bago mahuli ang lahat ay kailangan munang mag-imbestiga ang female personality tungkol sa tunay niyang pagkatao.

Kuwento ng isang source, “Parang pinagkakaisahan si ____(pangalan ng male personality) dahil sa dami ng mga namba-bash sa kanya. Walang tigil, talagang sobra kung maliitin siya, puro nega ang kuwento tungkol sa kanya.

“Nakakaawa naman siya, pero ang dami-dami naman kasing sumasang-ayon sa mga isyung naglalabasan tungkol sa kanya! Pati ang mga kasabayan niyang lumaki sa lugar nila, e, nagbibigay rin ng mga impormasyon tungkol sa kanya,” umpisang kuwento ng aming impormante.

Hindi laking-mayaman ang tinutukoy na lalaking personalidad sa kuwento. Pero hindi naman sila nagdarahop. Maambisyon ang male personality kaya ginawa niya ang lahat para makapasok sa showbiz.

“Ang kuwento kasi, habang hindi pa siya nagkakaroon ng mga projects, e, nagkaroon siya muna ng sideline. ‘Yun ang nagdidiin sa kanya ngayon. Naaalala ‘yun ng mga talagang nakakakilala sa kanya.

“Hindi kagandahan ang mga kuwento, para siyang nagmamadali, kaya pinasok niya ang isang sideline na ngayon, e, ibinabato pabalik sa mukha niya ng mga nakakaalam kung ano ‘yun!

“’Yun ang kailangang ayusin ng male personality, sagutin niya sana ‘yun nang hindi siya minamaliit ng kampo ng girl na nali-link sa kanya.

“User kasi ang tingin sa kanya ngayon, ipinaglihi sa maasim na mangga, gagamitin lang daw niya ang female personality na hindi pa umaamin kung ano ang totoong relasyon nila.

“Kung totoo ang sideline na ginagawa niya, e, harapin niya! Katotohanan lang ang maglilinis sa mga bintang sa kanya ngayon!” madiing-madiing pagtatapos ng aming source.

-o0o-

Martin ,Gary, Regine , Zsa Zsa kinabog ng mga milenyal

Nakakalungkot naman ang naging resulta ng pagpapagod at pag-e-effort ng mga sikat na singers at artistang naghawak-hawak-kamay para sa kanilang musical variety show na pinakamatagal na sa balat ng telebisyon.

Unang sultada ‘yun ng ASAP Natin ‘To sa TV5, sabay rin silang napapanood sa A2Z at sa Channel 22, pero nang lumabas ang rating ay kinabog pa sila ng nananahimik na All-Out Sundays ng GMA-7.

At nu’ng lagay na ‘yun ay parang hindi naman nag-abala ang musical variety show ng Siyete na paghandaan ang pag-iingay ng katapatan nilang programa.

Wala lang, ang dati nang sayawan-kantahan lang nina Alden Richards, Julie Ann San Jose, Ken Chan at marami pang mga youngstars ng GMA-7 ang napanood ng publiko.

Paano pa kung kinarir ng All-Out Sundays ang pakikipagbanggaan sa ASAP Natin ‘To, di lalo na, subsob lalo sa rating ang ipinakitang performance nang sangdamakmak na singers at artista ng ABS-CBN.

Ang galing-galing ng mga pambatong talents ng kabila, kina Martin Nievera, Gary Valenciano, Regine Velasquez, Zsa Zsa Padilla at iba pang mahuhusay na singers pa lang ay puntos na para sila ang tutukan ng manonood.

Pero anyare? Bakit sila kinabog ng All-Out Sundays na parang hindi naman nag-abala, may kailangan na bang baguhin sa ASAP Natin ‘To sa kanilang atake, patunay ba ‘yun na panahon na ng mga milenyal ngayon kaya hindi na uso ang magagaling man ay matatagal nang singers?

Sabi nga ni Kapatid na Ted Failon sa kanyang programa sa Radyo Singko, “Think about it.”

The post Male personality inupakan sa ‘sideline’ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments