Bagong istilo ng online selling

NADAGDAGAN na naman ang isipin ng marami sa ating mga magulang dahil ngayon ay may panibago na namang pinagkakaabalahan ang kani-kanilang mga anak sa social media dahil sa bago nitong istilo nang pagbibenta ng produkto online.

Grabe na talaga ang nangyayaring online falsity o ‘yung sobrang kasinungalingang namamayagpag na sa Facebook dahil sa mga pekeng balita na kahit katiting ay walang bahid ng katotohanan.

Talamak din ang online violence na sa tingin ko ay sadyang kinukonsinte ng social networking platform na ito upang mas marami ang gumamit kahit sa hindi mabuting paraan.

Isipin n’yo na lamang na paulit-ulit na ang reklamo laban sa cyber bullying at hanggang ngayon patuloy pa rin ito ngunit may ginawa ba ang Facebook para tuluyan na itong mahinto, kaya naglabasan na ang mga batas para diyan dahil hindi sapat ang kanilang ginagawa.

Ang grabeng bastusan sa social media platform na ito, iba’t-ibang klase ng kamanyakan ay nandiyan, banta nang panggagahasa, pananakot, blackmail, pag-udyok para magpakamatay ang isang indibidwal, prostitusyon at napakarami pang krimen na sa Facebook mismo nagmumula.

Marami na rin ang nasakote ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil pati bentahan ng illegal drugs ay online na at maging ang pagpapakilala ng mga bagong tuklas na droga at kung ano ang epekto nito ay dito ipinapakita.

Pati ang illegal gambling ay talamak sa Facebook, nandiyan ang mga raffle na kailan lang ay sinalakay ng Quezon City Police District (QCPD), online sabong, online bingo at marami pang iba.

Ngayon heto na naman, pati ang dating normal na pagbibenta ng kahit anong produkto ay hinaluan na rin ng kalaswaan dahil ngayon ay dumagsa na online ang mga babaing kailangang magpakita ng bahagi ng dibdib para makakuha lamang ng atensiyon.

Isa sa pinakakaguluhan ngayon ay ang ilang babaing nagsusuot ng manipis na damit at bakat na bakat ang dibidb o kaya ay kapirasong saplot na lamang at nagbibenta ng mga pang-basketball na sapatos.

Karaniwang mga panlalaking produkto ang inilalako ng mga babaing ito na una munang inaakit ang customer bago iaalok ang kanilang paninda sa hindi na makatangging customer dahil sa kaakit-akit na pananalita.

May mga insidente na umano na naging mitsa na ito nang pag-aaway ng mag-asawa na labis na ikinagalit ng isang misis dahil sa alindog at magiliw na pakikipag-usap ng babaing sexy online sa kaniyang mister ay nabentahan ito ng helmet gayung wala naman itong motorsiklo.

Iba-iba ang istilo ng makabagong marketing strategy na ito dahil may mga nagkukuwento ng mga nakapagpapagising ng damdamin at meron namang nagsasayaw lamang ng kaakit-akit o kumakain ng ice cream sa malaswang paraan.

At hindi lang ‘yan, dahil hindi rin nagpatalo ang mga kalalakihan na wala talagang saplot at may bagay lamang na nakaharang sa kanilang harapan upang hindi talaga makitaan at unti-unting isinusuot ang ibinibenta nilang underwear.

Mero naman mga lalaki na nakasuot lamang ng manipis na bikini brief at bakat na bakat ang kaniyang pagkalalaki na nagbibenta rin ng kung anu-ano at ang naloloko nilang mga parokyano ay ang mga kababaihan at mga kapatid nating kabilang sa LGBTQ+.

Hindi ko pa alam kung saan hahantong ang mga kalaswaang ito dahil posibleng mag-udyok ito sa isang mas matinding sitwasyon o humantong sa pagsusuot na rin malalaswang damit sa mga normal na pamilihan sa ating bansa.

Pansamantala ay pakibantayan muna ang ating mga anak, mga mister at misis na palaging naka-online baka nagwi-window shopping.

The post Bagong istilo ng online selling first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments