Pinoy ARMY tells Congressman Alan Peter Cayetano to "stop using BTS for clout"

Mariing kinondena ng Pinoy fans ng sikat na Korean boy band na BTS ang paggamit ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa pangalan ng K-pop superstars sa plano nitong pagbabalik sa Kamara ngayong linggo.

Trending simula ngayong Miyerkules ng umaga, January 13, ang “#CayetanoStopUsingBTS.”

Ito ay makaraang ianunsiyo ng 50-year-old Taguig City congressman na bumuo siya ng “independent majority” bloc ng mga kaalyado niya sa Kamara.

Sa isang press statement nitong Martes ng hapon, January 14, sinabi ni Cayetano na tatawaging “BTS sa Kongreso” bloc ang kanyang grupo.  

Tulad ng popular na Korean boy band, pito rin ang miyembro ng grupo ng mga kongresistang binuo ni Cayetano.

“BTS SA KONGRESO”

Ang BTS sa Kongreso ay binuo ni Cayetano, kasama sina:

  • Camarines Sur 2nd District Representative Luis Raymund “LRay” Villafuerte (Nacionalista Party)
  • Laguna 1st District Representative Dan Fernandez (National Unity Party)
  • Batangas 2nd District Representative Raneo Abu (Nacionalista)
  • Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor (PDP-Laban)
  • Bulacan 1st District Representative Jose Antonio Sy-Alvarado (NUP)
  • Capiz 2nd District Representative Fred Castro (Lakas-CMD)

Sa ilalim ng liderato ni Cayetano bilang House Speaker simula July 2016 hanggang October 2020, humawak ng pinakamatataas na tungkulin at chairmanship ang anim na kongresistang kaalyado niya.

Gayunman, pinagtatanggal sila sa puwesto ni House Speaker Lord Allan Velasco ng Marinduque, matapos nitong palitan si Cayetano bilang leader ng Kamara noong October.

Sa Huwebes, January 14, pormal na ipakikilala ang BTS sa Kongreso, sabi ni Cayetano.

Sa araw ring iyon nila ipaliliwanag kung bakit ganoon ang napili nilang ipangalan sa kanilang grupo sa Kamara, anang dating House Speaker.

ARMY: USING BTS “FOR CLOUT,” OUT OF “DESPERATION”

Gayunman, mistulang hindi interesado ang Pinoy ARMY—tawag sa fans ng BTS—sa magiging paliwanag ni Cayetano sa Huwebes.

Ngayong Miyerkules pa lang kasi ay kinuyog na nila ng pambabatikos ang kongresista sa anila’y paghahangad nitong makinabang sa kasikatan ng BTS.

Libu-libo ang tweets ng BTS fans na sumisita kay Cayetano sa paggamit sa Korean boy band “for clout.”

Nangangamoy “desperation” daw ang galawan ng dating House Speaker na “trying hard to be hip” kaya ginagamit ngayon ang BTS para sa mga pulitikal na “agenda” nito.

May mga ARMY ring tumawag kay Cayetano ng “papansin” at “nakakahiya.”

Ilang BTS fans naman ang piniling manahimik na lang sa issue.

Makakatulong pa raw kasi sila para mag-trend sa Twitter ang “attention seeker” na kongresista kung papatulan nila ito.

Pinakamainam daw, ayon sa isang BTS fan, na iparating na lang sa Big Hit Entertainment ang paggamit ni Cayetano sa pangalan ng K-pop superstars.

Ang Big Hit Entertainment ang talent management agency ng BTS.

BTS: GLOBAL SUPERSTARS

Ang BTS, na acronym para sa Bangtan Sonyeondan, ay isang multi-awarded Korean boy band.

Binubuo ito nina RM, Jin, SUGA, J-Hope, Jimin, V, at Jungkook.

Sila ang best-selling artist sa kasaysayan ng South Korea matapos na opisyal na kilalanin bilang Best-Selling Album in South Korea ang ikaapat nilang studio album na Map of the Soul: 7 noong 2020.

Kinikilala rin ang grupo ng international magazine na Forbes bilang most influential celebrity sa South Korea (2018, 2020) at kabilang sa world’s top-selling celebrities (2019).

Ang TIME Magazine, tinagurian ang BTS bilang “Princes of Pop.”

Ito ay matapos mapasama ang grupo sa 25 Most Influential People on the Internet (2017-2019) at sa 100 Most Influential People in the World (2019) lists ng magazine.

Nitong December, itinampok sa cover ng TIME ang BTS bilang 2020 Entertainer of the Year.

Pinasikat ng BTS ang napakaraming kanta, kabilang ang “Dynamite,” “Boy With Luv,” “DNA,” “Fake Love,” at “Mic Drop.” 

[ArticleReco:{"articles":["156069","156066","156064","156051"], "widget":"Hot Stories"}]

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.

Post a Comment

0 Comments