Producer binarat ng male personality

Super-close nu’n ang isang kilalang movie producer at ang isang pamosong male personality. Sanggang-dikit sila. Magkakampi sa lahat ng bagay.

Pero ang maganda nilang relasyon ay biglang umasim sa isang iglap lang. Pera ang naging dahilan. Sayang na pagkakaibigan.

Kuwento ng aming source, “ilampung milyon ang halagang sumira sa friendship nila. Napakalaking halaga. Dahil sa kung anu-anong dahilan, bumagsak ang negosyo ng producer.

“Marami siyang naipundar na properties nu’ng very active pa ang kanyang production. Ang dami-daming ari-arian ng prodoo. Pero hindi ‘yun naingatan, kaya isa-isa na niyang idinidispatsa,” unang sultada ng aming impormante.

May isang property ang producer na ayaw niya sanang ibenta. ‘Yun kasi ang buhay na patotoo na naging matagumpay siya sa negosyo.

Patuloy ng aming source, “Pero kinailangan niyang isangla ‘yun sa bank, unti-unti na kasing nauubos ang puhunan niya sa production. Pero olats pa rin ang mga sumunod na pelikulang ginawa niya, kaya kailangan na niyang ibenta ang property.

“Iniipit na siya ng bank, kundi siya makababayad sa napakalaki nang itinatakbo ng interest, nanganganib na kunin ng bank ang kanyang property.

“Inilapit ‘yun ng prodoo sa male personality na may malaki siyang naitulong. Pinatutubos ng prodoo sa kanya ang property. Bentahan na ang mangyayari.

“Babayaran ng male personality ang pagkakasangla sa bank, ang konti pang matitirang amount, ‘yun na lang ang mapupunta sa prodoo.

“Naloka ang prodoo, tinawaran nang pagkababa-baba ng male personality ang property, ‘yung presyong hindi na nga mababayaran ang bank, e, wala pang matitira sa producer.

“Iniyakan ‘yun ng producer, hindi niya akalaing iniipit na nga siya ng pinagsanlaan niyang bank, e, iniipit pa rin siya ng male personality na malaking tulong ang naibigay niya!

“Mula nu’n, e, umasim na ang samahan nila, ang sakit-sakit ng loob ng producer dahil parang binalewala na lang ng male personality ang mahabang panahon na pinagsamahan nila.

“Napakalakas na pak sa magkabilang pisngi ng producer ang nangyari. Iba na lang ang tumubos sa property, hindi siya binarat, may konti pa siyang naibulsa,” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Willie nireklamo ng mga mapagsamantala

Totoong-totoo ang kasabihan na tumutulong ka na nga ay ikaw pa ang lalabas na masama sa bandang huli. Ganu’n mismo ang nangyari kay Willie Revillame.

Nu’ng mismong kaarawan niya ay may naglabas ng fake news na mamimigay siya ng biyaya sa mga magsasadya sa Wil Tower. Pinaniwalaan naman ‘yun ng mga kababayan natin.

Sa sobrang hirap nga naman ng buhay ngayon ay napakalaking halaga nang 60 thousand pesos, napakalayo na ng mararating nu’n, makararaos sila sa pagdarahop.

Mahahati sa dalawang klase ang mga nagsadya sa Wil Tower. Ang unang grupo ay mga totoong tagasuporta ni Willie na nagpagawa pa ng mga tarpaulin para bumati sa kanya ng happy birthday.

Ang isang grupo naman ay binubuo ng mga kababayan nating mapagsamantala, ‘yung mga nanggugulo lang, sila pa ngayon ang sumisigaw at nagrereklamo na hindi raw patas tumingin si Willie sa kayang mga tagahanga.

Walang anumang anunsiyong sinabi si Willie sa Wowowin-Tutok To Win na mamamahagi siya ng papremyong sisenta mil sa mga magpupunta sa Wil Tower.

Paulit-ulit pa nga niyang sinasabi na mas magandang manatili na lang sa kanilang bahay ang mga manonood, kapag sila ang natawagan, nakabuslo na ang 60 thousand para sa kanila.

Nauunawaan ni Willie ang kalagayan ngayon ng ating bayan, maraming nawalan ng trabaho at laganap ang matinding kahirapan, kaya ayon sa TV host ay babawi na lang siya sa kanyang mga tagasuporta kapag tapos na ang pandemya.

The post Producer binarat ng male personality first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments