Richard Yap, nanghinayang na di nakaeksena si Michael V. sa Pepito Manaloto

JERRY OLEA

Naaliw ako sa tambalan nina Richard Yap at Eugene Domingo sa two-part episode na “Jing, Ang Bato” ng comedy anthology na Dear Uge Presents.

Ipinalabas iyon noong Enero 10 at 17, Linggo ng 2:45 p.m., sa GMA-7.

Magpapasiklab muli si Richard sa bagong episode ng sitcom na Pepito Manaloto: Kuwento, Kuwento bukas, Enero 30, Sabado ng 7:00 p.m.

Nang pumirma si Richard ng management contract sa GMA Artist Center noong Disyembre 16, 2020, inihayag niya na gusto niyang makatrabaho si Michael V. Magkakilala na kasi sila dati pa.

Kaso, wala silang eksena na magkasama sa Pepito Manaloto.

Sabi ni Richard sa interview ng 24 Oras, “Sayang na hindi kami nagkita, but hopefully, I will be able to guest in his other shows and magsama na kami sa isang scene.”

Ikinuwento rin ni Richard na taliwas sa karaniwang serious roles niya, mapagbiro siya sa likod ng camera.

“What people don’t know about me ay medyo ‘kengkoy’ naman ako in real life, hindi ako ganoon kaseryoso. For me, it was really fun doing comedy.

“Sometimes it’s also hard to be doing drama all the time,” aniya.

Tampok sa episode si Richard bilang si Mr. Zacarias, isang hotel manager na tila hindi mapanatili ang kanyang mga kamay sa kanyang sarili.

Si Deedee (Jessa Zaragoza), na may bagong gig sa naturang hotel, ay namomroblema rito kaya kinuha niya si Berta (Jen Rosendahl) bilang bodyguard. Makakatulong ba ang plano ni Deedee upang makaiwas kay Mr. Zacarias?

Katapat ng guesting na ito ni Richard sa Pepito Manaloto ang pilot episode ng Born To Be A Star sa TV5. Hosts niyon sina Matteo Guidicelli at Kim Molina.

NOEL FERRER

Iyon yata ang dahilan kaya kinuha si Richard Yap ng GMA-7—dahil sa kanyang magandang imahe at ang posibilidad ng kakengkoyan.

Sige, tingnan natin kung kakagatin ito ng mga tao.

Sa paglipat ni Richard mula ABS-CBN to GMA-7, susubukin kung makakagawa ba siya ng proyektong tulad ng tumatak na Be Careful With My Heart. Game!

Good luck, Richard!

GORGY RULA

Aliw naman ang episode ng guesting ni Richard sa Dear Uge, pero hindi gaanong pumalo sa rating ang final episode nila noong January 17.

Naka-4.6% lamang ito, gayong mataas yung naunang episodes.

Pero bagay nga sila ni Uge, at bagay na bagay na magka-sitcom silang dalawa.

Sa Linggo, Enero 31, ay special guest din ang tsinitong aktor sa The Boobay and Tekla Show. Nag-enjoy raw si Richard sa games na ginawa nila.

[ArticleReco:{"articles":["156378","156374","156366","156364"], "widget":"Hot Stories"}]

Post a Comment

0 Comments