And the plot thickens.
Hindi lamang si John Paul dela Serna ang bumawi sa unang salaysay na kanyang sinumpaan na nakita niya umanong may nakalagay na "powder drugs" sa medyas ng person of interest na si Mark Anthony Rosales at inalok din siyang gumamit.
Binawi rin nina Rommel Galido at Valentine Rosales ang kanilang mga detalyadong kuwento nang humarap sila sa mga miyembro ng media noong January 7, 2021.
Sina Dela Serna, Galido, at Rosales ang tatlo sa mga kasama ng 23-year-old flight attendant na si Christine Dacera nang bawian ito ng buhay sa Room 2209 ng City Garden Grand Hotel sa Makati City noong January 1, 2021.
Tulad ng katwiran ni Dela Serna, sinabi ni Galido na napilitan siyang banggitin ang pangalan ni Mark dahil sa pressure na natanggap nila mula sa Makati Police.
“Noong gabing ‘yon, tumabi siya [Dacera] sa akin, then sabi niya, ‘Sis, parang I feel something na parang naiiba yung pakiramdam ko. I think merong naglagay, parang I think, ha,’ may naglagay sa drink niya, sabi niya sa akin.
“Ang sabi ko lang sa kanya, G-A-G-A. Kung ano-ano ang pinag-iisip mo,” pahayag ni Galido nang humarap siya sa mga miyembro ng media noong January 7, 2020.
Pero kahapon, January 13, iba na ang salaysay ni Galido kaya nabahiran din ng pagdududa sa kanyang kredibilidad.
Pahayag niya, "Pino-force kami na dapat magturo kami ng someone kapalit ng kalayaan namin.
”Wala akong alam kung ano gagawin ko, gulong-gulo isip ko, ayaw ko na.
”Nasabi ko si Mark kasi siya yung hindi talaga namin kilala, kailangan ako magturo para sa kalayaan ko.
”Wala akong choice.”
Napilitan umano si Galido na ituro si Mark Anthony Rosales dahil sa pangako ng mga imbestigador na hindi na sila sasampahan ng kaso kapag may naiturong suspect ang mga respondent.
Mariin naman itong itinanggi ni Makati Police Chief Pol/Col. Harold Depositar.
Si Atty. Mike Santiago ang legal counsel ni Dela Serna at ng ibang respondents sa kontrobersiyal na pagkamatay ni Dacera.
May paglilinaw si Santiago tungkol sa diumano’y "torture" na naranasan ng kanyang kliyente.
Aniya, “That is part of the counter affidavit of JP dela Serna.
“He was pressured then mental tortured, hindi physically, ha? Intimidated, manipulated, etc.”
Sa panayam kay Dela Serna, sinabi nito ang mental, physical torture, at ang parang hindi umano taong trato sa kanila sa limang araw na pagkakakulong dahil sa posas sa mga kamay nila.
Hindi umano sila nakatulog dahil masikip ang kulungan, at hindi nila nakain ang pagkaing dala ng kanilang mga bisita dahil inuunahan daw sila ng ibang mga preso.
Binawi rin ni Valentine Rosales ang pahayag nitong “matatandang bakla na hindi guwapo” ang mga nakita niya sa Room 2207 ng City Garden Grand Hotel noong New Year’s eve celebration nila ni Dacera at ng kanilang grupo.
Humingi rin ng paumanhin si Rosales sa mga bisita sa Room 2207 na na-offend sa ginamit niyang salita na “matatandang bakla.”
Pahayag niya, “I just want to apologize on my first interview that I said… that... medyo… yeah, kind of offensive.
”I’m really sorry. It’s just… I was full of emotion that time.
”But I just want to reiterate na, yeah, 2207, I’m taking back what I’ve said. Hindi kayo chaka…”
[ArticleReco:{"articles":["156087","156082","156075","156061"], "widget":"Related Stories"}]
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
0 Comments