Royce Cabrera on being a Kapuso: "Sobrang ramdam ko talaga yung solid na pag-welcome."

Walang pagsidlan ang saya ni Royce Cabrera sa mainit na pagtanggap sa kanya sa GMA Network. 

Noong 2020, kabilang siya sa mga sundalong katropa ni Gerald Anderson sa Kapamilya prime-time series na A Soldier's Heart

Tatlong buwan makalipas ang serye, pumirma si Royce ng kontrata sa GMA Artist Center (GMAAC) noong Disyembre 11, 2020.

Ang GMAAC ay ang talent management arm ng GMA-7. 

Kumusta na ang pagiging Kapuso?

Sagot ni Royce, "Ang saya lang, kasi kakalipat ko pa lang, talagang sunud-sunod na yung projects and guestings na dumarating sa akin.

"Sobrang ramdam ko talaga yung solid na pag-welcome ng Kapuso network.

"Kaya laking pasasalamat ko rin sa kanila." 

Eksklusibong nakapanayam si Royce ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Enero 28, Huwebes ng gabi, via Facebook Messenger.

FIRST GMA project

Unang proyekto ni Royce sa GMA ang romance-anthology series na My Fantastic Pag-ibig.

Pagbigbidahan nila ng StarStruck Season 7 alumni na si Ella Cristofani ang third installment ng show. 

"Ang saya na ka-work ni Ella. Nagkasundo kami agad," tugon ng 24 anyos na binata.

"Siyempre, kailangan din naming maging komportable sa isa’t isa para magawa namin nang tama ang mga eksena naming dalawa."

Mag-uumpisa ang unang installment ng My Fantastic Pag-ibig sa Enero 30, Sabado ng 7:45 p.m., sa GMA News TV.

"Love Wars" ang unang installment, kung saan bida sina Kim de Leon at Lexi Gonzales.

Sa February 13 papatak ang episode nina Royce at Ella. 

FIRST GMA TELESERYE

Kasama rin si Royce sa TV adaptation ng 1988 Regal film na Nagbabagang Luha, na pinagbidahan noon nina Lorna Tolentino, Gabby Concepcion, Alice Dixson, at Richard Gomez. 

Sa version ng GMA, sina Glaiza de Castro, Rayver Cruz, Claire Castro, at Mike Tan ang mga bida. 

Kasama rin sa serye si Myrtle Sarrosa.  

Ano ang expectation niya sa unang teleserye niya sa GMA?

Masiglang sagot ni Royce, "Na magiging mabigat at maganda ang serye. Kasi, sa title pa lang, nagbabaga na talaga. Ha! Ha! Ha! Ha!

"’Tapos, kasama ko pa ang mga mahuhusay na aktor at aktres ng panahon ngayon.

"Magandang experience sa akin ito na maka-work sila at iba pang de kalibreng artista ng seryeng ito."

Sumabak na rin si Royce sa starring role niya sa isang episode ng Kapuso drama anthology na Magpakailanman

"Katatapos ko lang din mag-shoot ng Magpakailanman kung saan ako po ang bibida rito.

"Abangan nila ito, kasi masasabi kong kapanabik-nabik at mapanghamon ang role ko at istorya nito.

"Nag-guest din ako sa Pepito Manaloto."

BL PROJECT

Noong 2020, napanood si Royce sa Pinoy Boys Love (BL) series na Quaranthings. 

Kahit na abala siya sa GMA projects niya ay mayroon pa rin siyang BL offering ngayong 2021. 

"Makakatambal" ni Royce si Teejay Marquez sa Ben x Jim Forever, ang online BL series na magpi-premiere sa Pebrero 12, Biyernes, sa YouTube channel at Facebook page ng Regal Entertainment.

"Sobrang ok katrabaho si Teejay. Makikita mo sa kanya yung professionalism niya pagdating sa work," lahad ni Royce.

"Talagang inaral niyang mabuti yung script. Tsaka ang bait ni Teejay, ang daling i-approach, at okey kakwentuhan.

"Nakatulong yun sa amin, lalo na sa ilang scenes sa series."

Nasa cast din ng Ben x Jim Forever sina Jerome Ponce, Kat Galang, Ron Angeles, Sarah Edwards, Vance Larena, EJ Jallorina, Miko Gallardo, Darwin Yu, Annika de la Cruz, at Jomari Angeles, sa direksyon ni Easy Ferrer.

Siyanga pala, graduate si Royce ng Bachelor of Science in Construction Engineering and Management sa Mapua University.

Pangarap niyang magkaroon ng isang construction business.

"Kasi minsan, kapag may itinatayo ring mga bahay, kunwari mga friends ko, or sa bahay, nagtatanong sina Mama, nababalik-tanaw ko yung mga pinag-aralan ko,” saad ni Royce.

"Nakaka-miss din kasi. Gusto ko rin yung course na inaral ko, e. So, baka pag nakapag-ipon tayo ng malaki-laki.

"Baka yung business na i-invest ko, malapit sa tinapos ko para hindi na lumayo.”

[ArticleReco:{"articles":["156341","156185","156331","156308"], "widget":"More Guide Stories"}]

Post a Comment

0 Comments