Naghimutok ang beteranang singer na si Claire dela Fuente sa tila mabagal na pag-usad ng kaso kaugnay ng kamatayan ni Christine Dacera.
Si Dacera ang flight attendant na namatay sa Room 2209 ng City Garden Grand Hotel, Makati City, noong January 1, 2021.
Sa nasabing hotel nagdaos ng New Year’s Eve party sina Dacera at ilang kaibigan mula gabi ng December 31, 2020 hanggang umaga ng January 1, 2021.
Sa kanyang Facebook account noong January 30, 2021, inihayag ni Claire ang pinagdadaanan ng ilang respondents sa kaso. Kasama na rito ang kanyang anak na si Gigo de Guzman.
Ang ilan pa sa mga tinukoy ng Makati PNP na respondents sa pagkamatay ni Dacera ay sina Valentine Rosales, John Pascual Dela Serna III, Rommel Daluro Galido, John Paul Reyes Halili, Louie de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, at Ed Madrid.
Saad ni Claire, “Naubos ang pera ng mga bata dahil sa pagbibintang.
“Kinailangang kumuha ng lawyer para ipagtanggol sila sa pinaka-sensational case na hanggang ngayon mag-iisang buwan na pinagkakaguluhan pa din.
“Mga batang galing sa mahirap na pamilya, mga BREAD WINNERS.”
RESPONDENTS LIVE IN FEAR
Ikinadismaya rin ni Claire ang aniya’y pagsawsaw ng ilang pulitiko sa kaso.
Ilang nanunungkulan sa gobyerno ang kaagad na nag-alok ng pabuya para mahuli o maaresto ang mga taong sangkot diumano sa kamatayan ni Dacera kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon ng pulisya.
Kabilang na rito sina Senator Manny Pacquiao (PDP-Laban) at ACT-CIS Party-list Representative Eric Yap.
Inanunsiyo ni Yap noong January 4 na magbibigay siya ng PHP100,000 “kada ulo ng 9 na suspect na ito para sa makakapagbigay ng information kung nasaan sila.”
Kinabukasan, January 5, nag-alok naman si Pacquiao ng PHP500,000 bounty para sa “sinumang makapagtuturo sa suspek at makapagbibigay linaw sa kasong ito.”
Pinalagan ito ni Claire.
Aniya, “Nag offer pa ng bounty ang mga politiko. Nanakot pa ang chief ng PNP na pag di sila sumuko within 72 hours ay kukunin sila BY FORCE.”
Napilitan daw umiwas sa mga pampublikong lugar ang respondents dahil sa banta sa kanilang buhay at seguridad.
Daing pa ni Claire, “Sinusundan sila ng mga tao na di nila kilala. Kinukunan ng video. Napilitang umalis sa kanilang mga tahanan dahil sa takot na baka may kikidnap sa kanila dahil sa BOUNTY ng mga Politiko.
“Namalimos ng tulong sa mga netizens. Nangayayat. Di makatulog. Di makakain. Ayaw lumabas ng bahay.
“Nilibak ng mga tao.
“Tinawag na MAMAMATAY TAO, RAPIST, DRUG ADDICT.
“At ang pinakamabigat NAWALAN NG TRABAHO, NASUSPINDE, TINAKWIL NG AMA, PINALAYAS SA BAHAY NILA, TINANGGALAN NG SASAKYAN, KINAHIYA NG MAGULANG.
“Ano pa po ba ang di nangyari sa kanila? Paano kaya sila mag uumpisang muli??”
THE PNP MEDICO-LEGAL RESULTS
Kasunod nito, inisa-isa ni Claire ang resulta ng medico-legal examination ng pulisya na nagsasabing namatay si Dacera dahil sa ruptured aortic aneurysm.
Sa pinakahuling medico-legal result ng PNP na isinumite sa Makati City Prosecutor’s Office noong January 27, ni-rule out dito ang anggulong homicide sa kamatayan ni Dacera.
Saad ng report, "Manner of death as homicide is ruled out in Dacera’s case because aortic aneurysm is considered a medical condition. Rape and/or drug overdose will not result to the development of aneurysm.”
Dagdag pa ni Claire sa kanyang Facebook post, “3 x na po na nilabas ng pulis ang kanilang ebidensya:
“1. Jan 2 2021 - death certificate
“CAUSE OF DEATH: RUPTURED AORTIC ANEURYSM
“2. Jan 5 2021 - autopsy report
“CAUSE OF DEATH: RUPTURED AORTIC ANEURYSM
“3. Jan 11 2021 - histopathological report
“CAUSE OF DEATH: RUPTURED AORTIC ANEURYSM”
Tanong pa niya: “Di ba kakampi nila ang mga Makati Police?? Di ba kanila lahat ng evidences na yan??
“Di ba ang PNP CRIME LAB ang nagsagawa ng report na yan? Bakit sila nagdududa sa gawa ng kakampi nila?
“TINAWAGAN PA NILA SI VP BINAY nung unang gabi na yun PARA MASIGURO LANG NA SUSUNOD SA KANILA ang mga Pulis ng Makati.
“Nang mag-INQUEST ng Jan. 4, katakutakot na mga Militar at Generals ang nandun para suportahan sila?”
Ayon pa kay Claire, sinabihan daw ang respondents ng isang pulis-Makati na walang foul play sa pagkamatay ni Dacera.
“Di ba sila ang nagkwento sa interview kay Boy Abunda na UNANG GABI PALANG SINABIHAN SILA NI CORPORAL LOPEZ NG MAKATI PULIS NA “NO FOUL PLAY”, pero pinilit pa rin nila na meron.
“Ginamit nila ang power nila para mapahirapan ang mga bata. Lahat ng politician at militar na kaibigan nila tinawag nila.
“Ilang milyon ba ang nagamit na government funds para lang sa insidenteng ito??”
Diin ni Claire, “Kami ang hawak lang namin at kakampi ay ang KATOTOHANAN!!!
“WALANG KRIMEN NA NANGYARI!!”
[facebook:https://ift.tt/36CNVK9]
THIRD PRELIMINARY HEARING
Ngayong Miyerkules, February 3, ginanap ang ikatlong preliminary hearing ng Dacera case sa Makati City Prosecutor’s Office.
Ayon sa ulat ng CNN Philippines, umaasa ang respondents na matapos na ang imbestigasyon sa kaso sa lalong madaling panahon.
Kumpleto ang labing-isang respondents sa Dacera case na dumalo sa pagdinig dahil required silang mag-subscribe sa kanilang counter-affidavits o kontra-salaysay.
Binigyan naman ng piskalya hanggang February 11 ang complainant para maghain ng kanilang sagot sa counter-affidavits ng mga respondents.
Dagdag pa sa ulat, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ieendorso niya ang magiging resulta ng hiwalay na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Makati Prosecutor’s Office.
Hanggang ngayon ay hindi pa naglalabas ng resulta ang NBI sa kanilang imbestigasyon, at ayaw rin daw madaliin ni Guevarra ang ahensiya sa kanilang findings.
Pero tiwala raw siyang maisusumite ito bago matapos ang preliminary investigation ng korte sa Christine Dacera case.
Samantala, nag-post naman ang Fund The Truth Facebook account ng isang cryptic message kasama ang tatlong larawan ng siyam na respondents sa kaso na dumalo sa preliminary investigation.
Nakasaad dito: "Peace can only last where human rights are respected, where the people are fed, and where individuals and nations are free. #FundTheTruth"
[facebook:https://ift.tt/3cBfMyh]
Ang inaantabayan ngayon ay ang resulta ng eksaminasyon ng Makati Medical Center sa organ samples mula sa mga labi ni Christine.
Sa February 11 itinakda ng Makati Prosecutor's Office ang ikaapat na pagdinig sa kaso.
[ArticleReco:{"articles":["156368","156360","156335","156207"], "widget":"Hot Stories"}]
0 Comments