Pahinante tumalon sa walang prenong truck, tigok

Nasawi ang isang pahinante ng truck matapos niyang tumalon sa kanilang sinasakyang truck na nawalan ng preno sa Manila East road, Mabitac, Laguna noong Sabado.

Kinilala ang nasawi na si John Paul V. Lara, 23, residente ng Barangay Mahabang Parang, Angono, Rizal.

Ayon sa report, galing sa Rizal ang truck na sinasakyan ng biktima at patungong Laguna nang mawalan ito ng preno habang lumulusong sa kurbadang bahagi ng highway sa Barangay Amuyong, Mabitac.

Dahil sa takot, tumalon si Lara mula sa truck subalit tumama ang ulo niya sa kongkretong kalsada na agad niyang ikinasawi.

Sumalpok naman ang behikulo sa kongkretong poste bago dumiretso at bumangga sa isang furniture shop.

Samantala, bahagyang nasugatan ang driver ng truck na si Ramonito Ebona Ragodos, 38; at isa pang pahinante na si Nelson Villaflor Cator, 38. (Ronilo Dagos)

The post Pahinante tumalon sa walang prenong truck, tigok first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments