171 lugar sa NCR ni-lockdown

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Ańo na may kabuuang 171 lugar sa National Capital Region (NCR) ang kasalukuyang nasa granular lockdown.

Sabi ng kalihim, base ito sa datos ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng pinatupad na pilot run ng alert level system sa NCR kung saan ay isinailalim ito sa alert level 4 simula Huwebes, Setyembre 16.

Inaasahang magtatagal ang pilot run ng granular lockdown hanggang katapusan ng Setyembre maliban na lamang kung palawigin pa ito ng pamahalaan.

Samantala, sinabi ng isang opisyal ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na posibleng palawigin pa ng dalawang linggo ang alert level 4 sa Metro Manila kapag natapos ito sa Setyembre 30.

“Hopefully kapag nagawa natin ito sa mga susunod na araw, matapos na ‘yong katapusan sa buwan na ito, maaari pa itong i-extend ng two more weeks bago natin tunay na makita kung ano talaga `yong naging epekto nito sa ating mga datos,” ayon kay NTF spokesperson Restituto Padilla sa isang panayam nitong Sabado.

Aniya, posible ring ikasa ang granular lockdown sa mas marami pang lugar kung makita ng pamahalaan ang magandang resulta nito sa mga sinailalim sa pilot run nito. (Dolly Cabreza/Vienne Angeles)

The post 171 lugar sa NCR ni-lockdown first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments