Gordon di nagbabayad ng renta kapatid mo sa Subic- Duterte

Inisa-isa na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga alas nito laban kay Senador Dick Gordon kaugnay ng patuloy nilang iringan na nag-ugat sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa mga biniling medical supply para tugunan ang COVID-19 pandemic.

Sa kanyang `Talk to the People’ Miyerkoles ng gabi, idinamay na rin ng Pangulo ang kapatid umano ni Gordon na nagnenegosyo sa Subic subalit hindi aniya nagbabayad ng renta na milyong-milyong piso na ang inabot.

“`Yong unpaid rent ng kapatid mo sa Subic, running into millions of pesos dapat bayaran din `yon, dapat kolektahin din ng gobyerno `yon na ang mag-file ng kaso. May kapatid ka pala diyan na nagnenegosyo hindi nagbabayad ng renta,” sabi ng Pangulo.

Ginamit umano ng senador ang impluwensiya sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na pinamunuan nito mula 1992 hanggang 1998 para mabigyan ng pribilehiyo ang kanyang kapatid.

Subalit hindi naman pinangalanan ni Pangulong Duterte kung sinong kapatid ni Gordon ang tinutukoy niya na negosyante sa Subic.

Binenta 2 lote ng Red Cross

Samantala, binakbakan din ng Pangulo ang ipinagbiling lupa umano ng Philippine Red Cross na mababa ang halaga pero hindi alam kung saan napunta ang sobra sa napagbentahan.

“Nagpabili ka ng lupa — ang Red Cross ng dalawang lupa and the price was undervalued. Totoo ba ito? Kung undervalued, saan `yong diperensiya napunta, sa iyo? You sold two lots of the Red Cross. Undervalue daw eh,” sabi ni Pangulong Duterte.

Wala lang aniyang naglakas ng loob na kuwestiyonin si Gordon kung kaya’t ngayon lang nasisilip ang diumano’y mga kalokohan ng senador.

“Wala lang naglakas ng loob kasi, you know, when you begin to talk —`huwag na kasi maingay `yan’. You know, and wala pang — wala pang naglakas ng loob to question you. Ngayon na lang, kasi dahil nga rin sa kalokohan mo. Nakita mo nasilip namin,” pahayag pa ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Gordon di nagbabayad ng renta kapatid mo sa Subic- Duterte first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments