PRC binakbakan sa kinanselang exam ng titser

Hindi pabor si Senador Joel Villanueva sa muling pagkansela ng Professional Regulation Commission (PRC) sa nalalapit na Licensure Exam for Teachers (LET), pitong araw bago ang schedule nito sa Setyembre 26.

Ayon kay Villanueva, tila “stuck in the past” ang komisyon dahil hindi pa rin nito nasunod ang mandato ng PRC Modernization Act of 2000 na nagtakda sa komisyon na gawing “fully computerized” ang pagsusulit.

“Ito pong mga postponement at cancellation ay nangyayari na po sa nakalipas na halos dalawang taon na. Nauunawaan po natin ang kaakibat na health risks sa pagsasagawa ng board exams,” sabi ni Villanueva, chairperson ng Senate committee on labor.

Dagdag ni Villanueva, bukod sa nagbabayad sa mga review center ay maraming LET takers na ang sumailalim sa 14 araw na quarantine na bahagi ng requirements ng PRC kung kaya’t malaking abala ang biglang pagkansela sa LET. (Dindo Matining)

The post PRC binakbakan sa kinanselang exam ng titser first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments