BSP: Sisirit pa presyo ng mga pagkain!

Maaaring umakyat pa sa 5.3% ang inflation rate ngayong Oktubre dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina, sabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kahapon.

Ayon sa BSP, maaaring umakyat sa 4.5% hanggang 5.3% ang inflation, o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin o pagkain.

Bukod sa taas-presyo ng gasolina, nakaaapekto rin umano ang pagmahal ng kuryente ng Meralco, pagmahal ng presyo ng isda at mga prutas at ang paghina ng piso laban sa dolyar.

“Higher Meralco electricity rates, increased fish and fruits prices, and the peso depreciation will provide additional upside pressures. These could be partially offset by the continued decline in rice and meat prices, reflecting continued arrival of pork imports,” pahayag ng BSP.

Sabi ng BSP, makatutulong naman ang pagbaba ng presyo ng bigas at ng karne dahil dumarating na ang mga imported pork.

Taliwas ito sa naunang sinabi nina National Economic and Development Authority director general at Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua at Agriculture Secretary William Dar.

Ayon kay Chua, problema pa rin ang supply ng pork kaya tumataas ang inflation.

Sinabi naman ni Dar na konti pa lang ang dumarating na imported pork sa mas mababang taripa at bigo ang layunin ng Executive Order No. 133 na punan ang kakulangan sa baboy para makabili ang mga konsyumer at bumaba ang inflation. (Eileen Mencias)

The post BSP: Sisirit pa presyo ng mga pagkain! first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments