IGINIIT ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na prayoridad ng kanyang pamumuno kung sakaling manalo sa halalan ang pag-ahon ng bansa sa pandemya kabilang na ang pagtaas sa sahod ng nurses at healthcare workers.
Ito umano ang nilalaman ng “Tawid-Covid, Beyond Covid” program ni Marcos na magpapatibay sa buong healthcare system ng bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaking pondo para sapasahod at benepisyo ng mga healthcare worker, pagdagdag sa mga pampublikong ospital at pagpapalakas ng medical research capability ng bansa.
Dagdag pa ni Marcos, magiging katuwang niya sa pagbuo ng program ang ilang mga kinatawan sa medical and scientific research sectors ng bansa.
Naniniwala si Marcos na dapat gawing prayoridad ang pagsasaayos sa kalagayan ng frontline medical workers kabilang na ang mga nurse upang masigurong matibay ang health care system ng bansa sa gitna ng pandemya.
Ani Marcos, ang mababang pasahod ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit nagpapasya ang maraming nurse na mangibang bansa upang kumita ng mas malaki o kaya naman ay lumipat sa ibang karera.
Nabatid na may 75,000 nurses ang nagtatrabaho sa pampubliko at pampribadong mga ospital ngunit kapos pa rin ang bansa ng aabot sa 109, 000 nurses.
Ang mga Pinoy nurses din ang may pinakamababang sahod sa Southeast Asia na aabot lamang sa P40, 000 ang karaniwang sahod kumpara sa mga nurse sa Singapore na aabot sa P200, 000 ang sahod kada buwan.
“Panahon na upang harapin natin ang puno’t dulo ng problemasa kakulangan natin ng mga nurse – at ito ay patungkol sa mababang pasahod sa kanila,” giit ni Marcos.
Prayoridad din daw ni Marcos ang pagpapatayo ng mga malalaking pampublikong ospital na naging pangunahing problema nitong panahon ng pandemya.
The post Pagbangon sa pandemya prayoridad ni Marcos first appeared on Abante Tonite.
0 Comments