Sugatan ang isang barangay chairman at kasama niyang empleyada ng barangay matapos silang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakilalang suspek noong Martes ng gabi sa Pasay City.
Ayon sa ulat, nakaupo sa hagdan sa harap ng Brgy. 179 sa kahabaan ng Saint Peter St., Maricaban, Pasay City ang mga biktimang sina Punong Barangay Clemente Evan Basinillo, 49-anyos, binata; at Rowena Remo, 43, nakatalaga sa women’s desk ng barangay, nang dumating ang magkaangkas na suspek sa motor at pinaputukan ang mga biktima bandang alas-11:45, Oktubre 26 ng gabi.
Sinabi ni Southern Police District Director B/Gen. Jimili Macaraeg na narinig ng mga miyembro ng Sub-Station 7 ang sunod-sunod na putok kaya agad na rumesponde ang mga ito.
Nagtamo si Basinillo ng mga tama ng bala sa itaas na bahagi ng kanyang kaliwang hita at kanang braso samantalang tinamaan naman si Remo sa kaliwang binti at kanang hita.
Ayon kay Macaraeg, natagpuan sa lugar ng krimen ang walong cartridge case at apat na bala mula sa hindi pa natukoy na kalibre ng baril.
Iniimbestigahan pa ang motibo ng nasabing pananambang. (Mia Billones)
The post Tserman, empleyada ligtas sa ambus first appeared on Abante Tonite.
0 Comments