Castro espesyal bagong korona

ESPESYAL kay TNT veteran guard Jayson Castro ang PBA Philippine Cup title sa Bacolor, Pampanga semi-bubble dahil itinaas niya ito sa kanyang alma mater.

Sa Don Honorio Ventura State University nag-high school si Castro bago dumayo ng Philippine Christian University sa Taft hanggang makilalang The Blur sa PBA.

Kilala pa noon ang DHVSU bilang Don Honorio Ventura College of Arts and Trade. Bukod sa high school varsity team, sumabak din si Castro sa track and field.

“Hindi ko ma-imagine na dito ko ulit makukuha ang championship,” bulalas ni Castro Miyerkoles ng gabi matapos ang 94-79 Game 5 win sa Magnolia. “Siguro isa ito sa mga championship na hindi ko makakalimutan.”

Off the bench na si Castro, 35, pero kung kailangan ng Tropang Giga ng timon at opensa ay naroon.

Nakaka-pitong titulo na si Castro sa TNT na kumuha sa kanya bilang No. 3 pick noong 2008. Inabot ng anim na taon bago nasundan ‘yung huli, ang 2015 Commissioner’s Cup crown.

“Last championship ko wala pa akong anak. Ngayon tatlo na anak,” pakli ng premier guard ng Gilas. (VE)

The post Castro espesyal bagong korona first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments