2 sabungero nanuhol para makalaya, 38 pa timbog

Apatnapung sabungero ang dinakip ng awtoridad sa San Miguel, Bulacan makaraang mahuli sa aktong nagsasabong sa tupadahan kabilang ang dalawang nagtangka pa umanong manuhol para pakawalan sila.

Base sa report, kabilang sa mga sabungero sina Beltran Estrella, ng Brgy. Sta. Ines, at Romeo Mercado ng Brgy. Sibul, kapwa sa San Miguel na kasama sa 40 sabungerong nakorner sa magkasunod na illegal gambling operation nitong Linggo at Lunes, araw ng Undas.

Nabatid na nagsagawa ng magkakaibang operasyon laban sa tupada ang pulisya sa mga bayan ng Obando, Pandi, Plaridel at kabilang sa 23 sabungerong nadakip sina Estrella at Mercado na bukod sa nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 ay sasampahan din ng kasong bribery.

Matapos mahuli ang 23 na nakumpiskahan ng mga panabong na manok, mga tari at bet money ay lumapit ang dalawang suspek at sinuhulan umano ng P15,000 ang mga umarestong pulis para pakawalan sila.

Kinabukasan, araw ng Undas ay nagsagawa rin ng pagsalakay ang pulisya sa tupadahan sa Meycauayan City, Pandi. 17 suspek pa ang nadakip sa iligal na sabong at pawang nakakulong na ngayon ang lahat ng mga nasakote. (Jun Borlongan)

The post 2 sabungero nanuhol para makalaya, 38 pa timbog first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments