Pizza maker hinarbat motor, nabitag

Arestado ang isang 31-anyos na pizza maker matapos tangayin ang isang motorsiklong nakaparada sa harap ng isang bahay, Lunes, sa may Paco, Maynila.

Sa pamamagitan ng CCTV footage, natunton ang motorsiklo at ang suspek na si Jefferson Picazo, residente ng 2nd St., Fabie Estate, Paco, Maynila.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Police Station 6, unang nagreklamo si Denson James Hilario, 30, at taga-Road 20, Onyx St., Paco at may-ari ng nawawalang motorsiklo na Yamaha Mio 125 na kulay itim.

Ang nabanggit na motorsiklo ay hiniram umano kay Hilario ni Darius Hilario, 50, project supervisor at ipinarada sa harap ng kanyang bahay nang mawala dakong alas-11:00 ng gabi, kamakalawa, matapos maiwan ang susi sa motorsiklo.

Kaagad tiningnan ang record ng CCTV camera sa Brgy. 812 para makita kung sino ang kumuha ng motorsiklo. Dito kinilala ng personnel ng barangay si Picazo.

Nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga pulis sa nabanggit na lugar at nakita ang suspek dala ang motorsiklo dahilan para arestuhin ito.

Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 10883 carnapping ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Pizza maker hinarbat motor, nabitag first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments