Ahente ng petrolyo tinodas sa highway

Patay ang isang babaeng ahente ng mga produktong petrolyo matapos na tambangan habang sakay ng motorsiklo sa Eco Tourism Road sa Sariaya, Quezon Biyernes ng hapon.

Kinilala ng Sariaya Police ang biktima na si Angelica Manalo, 25-anyos, residente ng Barangay Sampaloc 2 sa nasabing bayan.

Base sa pulisya, sakay ang biktima ng motorsiklo at tinatahak ang highway subalit pagsapit sa Barangay Guisguis Talon ay napilitang huminto at itinabi ang sasakyan dahil sa tawag sa kanyang cellphone.

Doon na siya nilapitan ng hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril.

Agad nasawi ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa katawan mula sab aril na kalibre .45.

Mabilis namang tumakas ang suspek na sumakay sa isang motorsiklo.

Tinangay din ng suspek ang cellphone ng biktima kaya hinala ng mga imbestigador ang suspek din ang tumawag para huminto ito.

Ayon kay Lt. Col. William Angway, hepe ng Sariaya Police, posibleng may kinalaman sa negosyo ang motibo sa krimen.

Nabatid na supplier ang biktima ng mga produktong petrolyo sa mga tindahan sa mga barangay sa kahabaan ng Eco Tourism Road sa Sariaya at may ilan umanong itong kalaban sa negosyo. (Ronilo Dagos)

The post Ahente ng petrolyo tinodas sa highway first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments