Binata binoga ng ka-eyeball

Patay ang isang 19-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng suspek na kanya umanong ka-eyeball, Miyerkoles ng umaga, sa may Mel Lopez, Blvd., Tondo, Maynila.

Kinilala ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktimang si Zyvel Geronimo, residente ng Tioco St., Tondo, Maynila na nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo at katawan.

Naganap umano ang insidente alas-5:10 ng madaling-araw sa nabanggit na lugar.

Ayon sa testigong 10-anyos na lalaki, nakita umano niya ang biktima na nakatayo sa center island na parang may hinihintay. Maya-maya pa ay dumating ang suspek na inilarawan na may taas na 5’4” hanggang 5’7”, katamtaman ang pangangatawan, at nakasuot ng kulay itim na sweatshirt na hoodie, shorts at face mask.

Paglapit kay Geronimo, kaagad itong bumunot ng baril at saka sunod-sunod na pinaputukan si Geronimo na nakatakbo pa nang ilang metro bago bumagsak sa kalsada.

Habang mabilis namang tumakas ang suspek patungo sa may Happyland, Tondo.

Narekober naman mula umano sa biktima ang isang patalim at isang cellphone na ang screen picture ay ‘di tumutugma sa kanyang larawan.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen.

Habang dinala ang bangkay sa Cruz Funeral Homes para sa awtopsiya. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Binata binoga ng ka-eyeball first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments