Mag-ina nalitson sa QC

Nalitson nang buhay ang isang mag-ina matapos na makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Quezon City nitong Miyerkoles ng madaling-araw.

Ang mga biktimang namatay sa sunog ay nakilalang sina Helen Uy, 67-anyos, at kanyang anak na si Johanna Uy, 40, habang nasugatan naman sa kanang kamay si Valerie Uy, 34.

Batay sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), dakong ala-5:00 ng madaling-araw, kahapon, nang magsimulang sumiklab ang sunog sa tatlong palapag na tahanan ng mga biktima na matatagpuan sa New Manila, Brgy. Mariana, QC.

Sinasabing nagsimula umano ang apoy sa laundry area ng tahanan na matatagpuan sa unang palapag nito ngunit hindi pa batid ang sanhi nito.

Nagawa umanong makalabas ng bahay ng kanilang katulong ngunit na-trap naman ang mag-ina sa kanilang silid na nasa ikalawang palapag.

Bukod dito, dalawang sasakyan din ang nadamay sa sunog na umakyat ng unang alarma bago tuluyang naapula dakong alas-6:20 ng umaga.

Sa ngayon, nagsasagawa pa ng pagsisiyasat ang mga arson investigator sa sunog na tinatayang tumupok sa may P2,250,000 halaga ng mga ari-arian. (Dolly Cabreza)

The post Mag-ina nalitson sa QC first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments