Bully minartilyo sa ulo

Inoobserbahan sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang isang 31-anyos na binata matapos sumirit ang dugo sa ulo nang hatawin ng martilyo ng suspek na madalas niyang binu-bully, Huwebes ng gabi sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni P/Lt. Col Harry Ruiz Lorenzo III, station commander ng Manila Police District-Police Station 2, ang biktimang si Jason Sapuan, 31, stay-in helper sa Burke Bldg. sa Claro M. Recto Avenue at Elcano Street, Tondo na nagtamo ng mga sugat sa ulo.

Habang dinakip ang suspek na si Arvin Maiz, 36, kasamahan ng biktima at kapwa helper, at taga-Kagitingan Street, Tondo sa isinagawang follow-up operation sa kanyang bahay.

Naganap umano ang insidente alas-7:30 ng gabi sa harap ng warehouse kung saan kapwa nagtatrabaho ang biktima at suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, habang naglalaro ng games sa kanyang cellphone ang biktima ay pinaghahataw siya ng suspek gamit ang martilyo.

Nang makitang sumisirit na ang dugo sa ulo ng biktima ay tumakas na ang suspek. Habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima.

Sa pagsisiyasat, nalaman na nagawa umanong hatawin ng martilyo si Sapuan dahil madalas umano niyang binu-bully si Maiz.

Sinampahan na ng kasong serious physical injury sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Bully minartilyo sa ulo first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments