Utol pinagtanggol, kuya sinakyod ng tsuper

Sugatan ang isang 26-anyos na lalaki nang agawin ang patalim na hawak ng suspek na kumompronta sa kanyang kapatid, Martes sa San Andres Bukid, Maynila.

Isinugod sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Gian Ladines, at residente ng Crisolita St., San Andres Bukid, Maynila dahil sa tama ng mga saksak sa braso.

Habang arestado naman ang suspek na si Bryan Patiño, truck driver, 31, at residente ng parehong kalye matapos makita ng nagpapatrulyang pulis habang isinusugod ang biktima sa pagamutan.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Police Station 6, naganap ang insidente alas-4:45 ng hapon, kamakalawa, sa Crisolita corner Estrada Sts., San Andres Bukid.

Nabatid na nakikipagkuwentuhan ang biktima sa ilang kaanak at kaibigan sa harap ng isang tindahan nang makita niya ang suspek, na armado ng patalim, na nilapitan at kinompronta ang kapatid niyang si Adrian.

Nakaramdam umano si Ladines na nasa panganib ang kapatid kaya nilapitan niya si Patiño at inagaw ang patalim pero nasaksak siya nang ilang beses sa braso.

Inginuso umano ng mga bystander ang suspek sa mga pulis na dumating kaya ito naaresto.

Sinampahan naman ng kasong serious physical injury at paglabag sa BP6 (Illegal Possession of Deadly Weapon) in relation to Omnibus Election Code ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Utol pinagtanggol, kuya sinakyod ng tsuper first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments